Hiniling ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez sa Kamara na bigyan ang ABS-CBN ng provisional franchise na tatagal hanggang sa matapos ang kasalukuyang Kongreso sa June 30, 2022.
Sabi ni Rodriguez maghahain siya ng panibagong joint congressional resolution para sa temporary franchise at umaasa itong magiging mabilis ang mga pagdinig kahit pa sa pamamagitan ng videoconferencing.
Dati nang naghain ng resolusyon ang kongresista para palawigin ng isang taon ang prangkisa ng TV network. Kabilang ito sa 11 bills at resolusyon na nakabinbin sa House committee on legislative franchises.
Sabi ng mambabatas, maghahain rin siya ngayon ng bill para mabigyan ang ABS-CBN ng bagong prangkisa na tatagal ng 25 taon.
Ipinaliwanag nito na dapat bagong prangkisa ay hindi na renewal ang igawad sa broadcast network dahil napaso na ang prangkisa nito noong May 4.
Dismayado si Rodriguez na mas piniling balewalain ng National Telecommunications Commission (NTC) ang boses ng Kamara at Senado na humiling na payagang magpatuloy ng operasyon ang ABS-CBN.
Kaya naman, ipinanukala rin nito na isama ng Kongreso sa anumang legislative franchise na ipagkakaloob nito sa hinaharap ang kapangyarihan para sa NTC o anumang concerned regulator na pahintulutan ang franchisee na may expired franchise at renewal application na nakabinbin sa Kamara na magpatuloy ng operasyon hangga’t hindi nare-reject ang kanilang application.