Dalawang weather system ang nakakaapekto sa bansa ngayong araw ng Huwebes, May 7.
Public Weather Forecast Issued at 4:00 AM May 07, 2020
Ayon kay DOST-PAGASA Weather Specialist Ariel Rojas, Ridge o extension ng high pressure area ang nakakaapekto sa Hilaga at Gitnang Luzon.
Easterlies o ang mainit at maalinsangang hangin galing dagat Pasipiko naman ang nakakaapekto sa natitirang bahagi ng bansa.
Ang Ilocos, Cagayan Valley at Bicol Region ay makararanas ng generally fair weather o mababa ang tiyansa ng pag-ulan dahil sa epekto ng ridge of high pressure area.
Ang Cordillera, MIMAROPA, CALABARZON at iba pang bahagi ng Central Luzon ay makararanas ng magandang panahon na may posiblidad ng mga pag-ulan sa hapon o gabi dahil sa localized thunderstorm.
Ang bahagi naman ng Visayas at Mindanao makakaranas din ng mga pag-ulan sa hapon o sa gabi dahil sa localized thunderstorms pero maalinsangang panahon pa rin ang mararanasan.
Samantala, ang low pressure area (LPA) na binabantayan ng PAGASA na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ay huling namataan sa 1,275 kilometers silangan-timog-silangan ng Davao City, alas-3 ng madaling araw.
Posibleng makapasok na ito sa PAR mamayang gabi o bukas ng madaling araw pero mababa ang tiyansa nitong maging isang ganap na bagyo.
Ang sama ng panahon ay kumikilos pahilagang-kanluran Posibleng pumasok sa kalupaan ng Mindanao
Posible pang magbago ang direksyon ng LPA kaya’t payo ng weather bureau sa publiko ay patuloy na mag-antabay sa mga updates kaugnay sa sama ng panahon na ito.
Wala namang nakataas na gale warning sa mga baybaying dagat ng bansa kaya’t malayang makapaglalayag ang mga mangingisda at mga may maliliit na sasskyang pandagat.