Sisi sa paghinto ng operasyon ng ABS-CBN, ibinunton kay Speaker Cayetano

Itinuro ni Buhay partylist Rep. Lito Atienza si House Speaker Alan Peter Cayetano na may kasalanan kung bakit naipasara ang ABS-CBN.

Sabi ng kongresista, pagkukulang ito ni Cayetano kaya marami siyang dapat ipaliwanag.

Iginiit nito na walang kasalanan ang National Telecommunications Commission (NTC) dahil ginawa lang nito ang kanilang trabaho at malinaw na ang may kapangyarihan at responsibilidad na aksyunan ang prangkisa ay ang Kongreso.

Sinegundahan ito ni Albay Rep. Edcel Lagman na nagsabing hindi dapat maging scapegoat ang NTC sa paghinto ng operasyon ng ABS-CBN.

Binigyang diin nito na ang pagtanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte sa apology ng ABS-CBN ay dapat nagsilbing “go signal” na sa Kamara para aksyunan ang application para sa franchise renewal ng network.

Humingi rin ng paumanhin si Atienza sa kabiguan ng Kamara na gawin ang trabaho nito sa usapin ng franchise renewal ng broadcast network na hanggang sa ngayon ay nakabinbin pa sa House committee on Legislative Franchises.

Read more...