Inaayos na ng Department of Health (DOH) ang protocol para sa isasagawang clinical trial para sa anti-flu drug na Avigan sa Pilipinas.
Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kumukuha na sila ng mga clearance mula sa iba’t ibang institusyon sa bansa.
Nagbigay na aniya ng ‘go signal’ ang Japan sa pagpapadala ng suplay ng nasabing gamot sa Pilipinas.
“Patuloy po ang pakikipag-ugnayan natin sa Japan para po dito sa ating supply of this drug which is Avigan na ipapadala naman po nila, nakapagbigay na sila ng ‘go signal’ para po dito,” ani Vergeire.
Inaasahan aniyang darating ang gamot sa mga susunod na araw.
Ani Vergeire, ang ipapadalang suplay ng Avigan ng gobyerno ng Japan ay para sa 100 COVID-19 patients sa Pilipinas.
“Ang ating protocol po ay ginagawa pa lang but what I can tell is that the Japanese government is providing us with supply of this drug for 100 patients,” pahayag nito.
Dahil limitado, pipili aniya ang kagawaran ng mga ospital na makakasali sa clinical trial.
“So pipili po tayo ng mga ospital na isasali natin dito sa trial na ito at doon po sa mga ospital na ‘yun, magkakaroon po tayo ng protocol kung paano natin pipiliin naman ang mga pasyente. Ang importante po dito ay since this is a clinical trial, the informed consent should be there,” dagdag pa ni Vergeire.