Pagsuspinde ni Pangulong Duterte sa mas mataas na Philhealth premiums ng OFWs, umani ng suporta sa Kamara
Pinapurihan ng mga kongresista ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na suspendihin ang mas mataas na premiums mula sa overseas Filipino workers (OFWs).
Para kina House Majority Leader Martin Romualdez, Deputy Speaker Raneo Abu at Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera, ang ginawa ng Pangulo ay pagpapakita ng malasakit sa OFWs na itinuturing na mga bagong bayani.
Sabi ni Romualdez, malaki ang kontribusyon ng OFWs sa ekonomiya kaya naman ngayong apektado rin sila ng COVID-19 crisis, mas dapat silang tulungan imbes na bigyan ng dagdag-pasanin.
Sinegundahan ito ni Abu na nagsabing kailangan ring tingnan ang kapakanan at interes ng OFWs lalo’t sa kanila rin umaasa ang kanilang pamilya dito sa Pilipinas.
Sa panig ni Herrera, pinuri din nito ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa agarang aksyon na alisin ang Philhealth contributions bilang requirement sa pagkuha ng overseas employment certificate.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.