Sinabi ni Go na siya ring chairman ng Committee on Health ng Senado, ngayon mayroong krisis sa COVID-19 dapat ding suriin ang lahat ng pwedeng magawa upang hindi magkarooon ng dagdag na pabigat lalo na sa kasalukuyang sitwasyon ng karamihan ng mga OFWs.
Sa ngayon ayon kay Go marami sa mga OFW ang umaasa pa ng dagdag na tulong mula sa gobyerno bukod sa ipinamahagi na ng DOLE na P10,000 na one-time financial assistance sa mga nawalan ng trabaho o naapektuhan ang kanilang kabuhayan sa ibang bansa.
“Ang hinihingi ko lamang ay mabigyan natin ng kinakailangang ‘palugit’ ang mga OFWs sa kabila ng pinapasan nilang hirap ngayon. Lahat ng palugit na pwede natin maibigay sa panahon ng krisis, ibigay na po natin. Sabi nga nila, ‘in times of crisis, every single peso saved counts’,” ayon kay Go.
Umapela rin si Go sa PhilHealth na amyendahan ang circular na nagsasaad na ang “Overseas Filipinos in Distress” ay kasali pa rin sa dapat magbayad ng kontribusyon.
Dapat din aniyang pagbutihin pa lalo ng PhilHealth pagbibigay ng mga sapat na impormasyon upang mas maintindihan ng lahat ng mga Pilipino kung saan napupunta ang kanilang kontribusyon.
Ayon kay Go, ang pagtaas sa PhilHealth contributions ay naaayon sa Universal Health Care Law na naisabatas noon pang nakaraang 17th Congress.
Layunin aniya ng batas na ito ang mas lalong mapabuti at mapalawak ang mga benepisyo at iba pang programang pangkalusugan para sa kapakanan ng lahat ng mga Filipino – kasama na ang OFWs abroad at ang kanilang mga pamilya o dependents na nandito sa Pilipinas.