Ambag sa ekonomiya ng mga manggagawa kinilala ni Sen. Bong Go ngayong Labor Day

May 01, 2020 - 02:09 PM

Kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day ngayong araw, nanawagan sa national government at local government units si Senator Christopher Lawrence “Bong” Go na ipagpatuloy ang pagkilala sa karapatan at kapakanan ng mga manggagawang Pilipino.

Ayon kay Go, ang mga manggagawa ang pundasyon ng patuloy na lumalagong ekonomiya ng Pilipinas at tiniyak nito ang patuloy niyang pagsusulong sa mga panukalang batas at pagsuporta sa mga programa na may layong maprotektahan mga karapatan ng mga obrero.

“Sa kabila po ng dinaraanang pagsubok ng bansa dala ng COVID-19, binabati ko po ang ating mga manggagawa ng isang mapagpalayang Araw ng Paggawa,” ayon kay Go.

Tiniyak din niya na habang patuloy nilalabanan ng gobyerno ang COVID-19, ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng makakaya para mabigyan ng tulong ang mga apektadong manggagawa.

“Bilang suporta, naging panawagan ko din ang pagbibigay pa ng dagdag na tulong para sa mas nakararami, katulad ng mga apektadong manggagawa ng mga maliliit na negosyo o ang mga MSMEs, at iba pa,” he added.

Una na ring nanawagan si Go sa pagsusulong provision of support sa mga empleyado ng micro, small and medium enterprises (MSMEs) na apektado ng coronavirus disease-2019 (COVID-19) outbreak, na naging daan sa pagbibigay ng ayuda ng Department of Finance sa halos 4-million na MSME employees.

“Malaking parte ng bumubuhay sa ating ekonomiya ay ang mga MSMEs at ang kanilang mga workers. Tulungan natin silang buhayin ang kanilang negosyo at maiahon ang kanilang mga empleyado habang nasa panahon ng krisis ang buong bansa,” Go said.

Una na ring nagpatupad ang Department of Labor and Employment ng COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) na P5,000 para sa bawat naapektuhan na mga manggagawa ng formal sector at employment facilitation services.

Patuloy din na pina-plantsa ni Go ang isinusulong nitong Balik Probinsya program na magbebenipisyo sa milyun-milyong Filipino workers sa buong bansa na hindi na kailangang magtungo sa Metro Manila para maghanapbuhay.

“Sa tulong ng Balik Probinsya program, umaasa po ako na hindi na kakailanganin pa ng ating mga manggagawa mula sa probinsya na pumunta sa Maynila para lamang makahanap ng trabaho,” Go said.

“Ipinangangako ko po na ipaglalaban ko ang programang ito para makalikha pa tayo ng marami pang trabaho at mapabuti ang buhay ng manggagawang Pilipino. Muli, maligayang Araw ng Paggawa sa inyo. Mabuhay po kayo!” he added.

Sa kabilang dako, positibo si Go na malalagpasan ng bansa ang hamon dulot ng COVID-19.

“Naniniwala ako na malalampasan natin ang krisis na ito. At nanatiling matatag ang aking tiwala na kaisa ng pamahalaan at ng buong sambayanang Pilipino ang hanay ng ating mga manggagawa sa hangaring manumbalik ang sigla ng ating ekonomiya sa mas lalong madaling panahon,” dagdag ni Go.

 

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.