Ayon kay DOST-PAGASA Weather Specialist Ezra Bulquerin, huling namataan ang LPA sa layong 855 kilometeres East Southeast ng Davao City , Davao del Sur alas-3:00 ng madaling araw ng Huwebes (April 30).
Ang LPA ay nakapaloob sa Intertropical Convergence Zone (ITCZ) na nakakaapekto sa Eastern section ng Visayas at Mindanao.
Nananatili namang mababa ang tyansa ng LPA na maging bagyo sa mga darating na araw pero patuloy pa rin ang paalala ng PAGASA na patuloy na magmonitor sa mga impormasyong ilalabas ng weather bureau.
Sa loob ng 24 oras ay patuloy na makakaranas ng makulimlim na panahon na may mga mahihinang pag-ulan ang extreme Northern Luzon partikular na sa Batanes at Babuyan group of Islands dahil sa epekto ng North-easterly Surface Windflow.
Makakaranas naman ng maaraw na panahon, bahagyang maulap hanggang sa maulap na panahon ang natitirang bahagi ng Luzon na may mga panandaliang pag-ulan pagdating ng hapon o gabi.
Ang Eastern Visayas naman ay makakaranas ng makulimlim na panahon na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat at pagkulog dala ng ITCZ gayundin sa Caraga at Davao Region.
Ang nalalabing bahagi naman ng Visayas at Mindanao ay makakaranas ng magandang panahon, bahagyang maulap hanggang sa maulap na panahon ang mararanasan na may mga panandaliang mga pag-ulan sa hapon o gabi.
Wala namang nakataas na gale warning sa baybaying dagat ng ating bansa kung kaya’t malayang makapaglalayag ang ating mga mangingisda at mga may maliliit na sasakyang pandagat.