Sa virtual presser, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi maaaring pabayaran sa mga pasyente ang PPE kung ito ay donasyon.
Ngunit, kung ang PPE naman aniya ay binili ng ospital, maaari itong pabayarin sa mga pasyente.
“Kung ang mga PPE na ginagamit sa ospital ay nagmula sa donasyon, hindi po maaring pabayaran ito ng mga ospital sa kanilang mga pasyente. Ito’y matagal na po naming pinapaalala sa lahat ng ospital. Maaari lang pong gawin ito kung ang mga PPE ay binili ng mga ospital,” ani Vergeire.
May paalala rin si Vergeire sa mga ospital na nakakaranas ng kakulangan sa PPE.
“Subalit lagi din naman po naming sinasabi na kung mayroon naman kayong kakulangan sa PPEs, mangyari lamang po na sumulat kayo sa covid19logistics@gmail.com,” pahayag pa nito.
Patuloy pa rin aniya ang ugnayan ng DOH at PhilHealth sa pagpapaalala at pagpapatibay ng mga polisiya para sa healthcare providers.