Mga donasyong PPE, hindi dapat pabayaran sa mga pasyente – DOH
Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa mga ospital na hindi dapat pabayaran sa mga pasyente ang mga donasyong personal protective equipment (PPE).
Sa virtual presser, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi maaaring pabayaran sa mga pasyente ang PPE kung ito ay donasyon.
Ngunit, kung ang PPE naman aniya ay binili ng ospital, maaari itong pabayarin sa mga pasyente.
“Kung ang mga PPE na ginagamit sa ospital ay nagmula sa donasyon, hindi po maaring pabayaran ito ng mga ospital sa kanilang mga pasyente. Ito’y matagal na po naming pinapaalala sa lahat ng ospital. Maaari lang pong gawin ito kung ang mga PPE ay binili ng mga ospital,” ani Vergeire.
May paalala rin si Vergeire sa mga ospital na nakakaranas ng kakulangan sa PPE.
“Subalit lagi din naman po naming sinasabi na kung mayroon naman kayong kakulangan sa PPEs, mangyari lamang po na sumulat kayo sa [email protected],” pahayag pa nito.
Patuloy pa rin aniya ang ugnayan ng DOH at PhilHealth sa pagpapaalala at pagpapatibay ng mga polisiya para sa healthcare providers.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.