Sa ilalim ng House Bill 6623 o New Normal for the Workplace and Public Spaces Act of 2020 na inihain nina House Speaker Alan Peter Cayetano at Deputy Speaker Luis Ray Villafuerte, ang protocols sa ‘new normal environment’ ay mananatili sa loob ng tatlong taon o hanggat mayroon pa ring banta sa kalusugan ng COVID-19.
Layunin ng panukala na ihanda at turuan ang mga Filipino sa new norms o mga bagong makakasanayan tulad ng social o physical distancing at iba pang safety measures na ipapatupad sa gobyerno, pribadong opisina, mga paaralan, commercial establishments at iba pang public spaces.
Kabilang sa mga ipapatupad na magiging bahagi ng ‘new normal’ ay ang mandatory na pagsusuot ng face masks, paglalagay ng handwashing o sanitizing stations sa lahat ng pampublikong lugar, temperature checks, mahigpit na pagsunod physical distancing.
Mananatili nang take-out services o delivery system sa mga restaurants at iiral pa rin ang online transactions, cashless at contactless services sa pamimili at iba pang serbisyo.
Sa pampublikong transportasyon ay paiiralin ang contactless payment mechanism at mananatiling suspendido ang motorcycle taxis upang maiwasan ang pagkalat ng virus dahil sa paggamit ng parehong helmet at maiwasan din ang close contact sa pagitan ng mga pasahero at drivers.
Itutulak naman ang online learning platforms bilang primary mode ng pagaaral ng mga kabataan sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan habang mananatili pa ring suspendido ang pasok sa lahat ng learning institutions.
Ibabatay sa umiiral na guidelines ng World Health Organization at consensus ng international medical community ang ipapatupad na ‘new normal’ at ang pagbabalik sa dating buhay ng mga tao ay mangyayari lamang kung may bakuna o gamot na makakapigil sa pagkalat at makakagamot ng tuluyan sa mga taong magkakasakit.