Mass testing sa NCR at iba pang may mataas na kaso ng COVID-19, isasagawa ng gobyerno

Target ng pamahalaan na magsagawa ng mass testing ng COVID-19 sa Metro Manila na may pinakamataas na kaso ng nakamamatay na sakit sa bansa.

Sa virtual hearing ng House Defeat Covid-19 Committee (DCC), sinabi ni National Task Force Covid-19 chief implementer Carlito Galvez Jr. na itinakda nila ito simula sa May 7.

Paliwanag ni Galvez, prayoridad nila ang National Capital Region (NCR) sa isasagawang mass testing dahil ito ang siyang “center of gravity” ng pandemic sa bansa.

Sakop ng isasagawang mass testings ay mga person under investigation at monitoring, at mga frontliner.

Sa oras aniya na ma-flatten ang curve sa NCR, sinabi ni Galvez na maituturing 70 percent nang tapos ang laban kontra COVID-19.

Isusunod naman na isailalim na malawakang COVID-19 test ang iba pang red o high-risk areas sa ilalim ng Luzon-wide enhanced community quarantine bago ang May 15.

Target naman ng national task force na makapagsagawa ng 20,000 tests kada araw simula Mayo 15 at 30,000 tests naman bago sumapit ang Mayo 30 na may standard processing time na 24 hanggang 48 hours sa releasing ng test results.

Read more...