Dagdag na 10,000 pulis para sa checkpoints, hiniling ng NCRPO
Humiling ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Philippine National Police (PNP) Headquarters ng karagdagang 10,000 pulis na itatalaga sa mga checkpoint.
Sa online press conference, sinabi ni NCRPO chief Police Maj. Gen. Debold Sinas na halos 45 na araw nang nagtatrabaho ang mga pulis sa kanilang hanay.
Kailangan din aniyang mabigyan ng pahinga ang mga pulis.
“Ang ni-request ko lang sa Joint Task Force NCR at saka sa Camp Crame, kaya kami nanghinga ng reinforcement kasi 45 days straight na po ‘yung mga pulis ng NCRPO na naggugwardiya. Kailangan din siguro ng konting pahinga kaya kami nag-submit ng request of augmentation para po mapagbigyan naman namin ‘yung mga tao na makapag-relax naman kasi sobrang haba na e,” pahayag ni Sinas.
Binabantayan din aniya ng NCRPO ang mental health ng mga pulis na naka-deploy sa mga checkpoint.
“Kung ibibigay ng Camp Crame, maligaya kami. Kung hindi po ibibigay ay tuloy po ang trabaho po namin,” dagdag pa nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.