Livelihood opportunities sa kanayunan habang inihahanda ang “Balik Probinsya” program isinulong ni Sen. Bong Go
Sa gitna nang coronavirus disease (COVID-19) emergency na kinahaharap ng bansa, muling iginiit ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go ang itinutulak niyang “Balik Probinsya” program para sa pantay-pantay na economic development at dagdag trabaho sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Binigyang diin nito ang pangangailangan sa paglikha ng livelihood opportunities sa mga kanayunan para himukin ang mga nakikipagsiksikan sa kalungsuran at mga negosyo na bumalik sa probinsiya matapos ang COVID-19 crisis.
“Kapag natapos na ang hirap na dinaranas natin dahil sa COVID-19, bigyan natin ng pag-asa ang mga Pilipino na makaahon at magkaroon ng pagkakataon ng mas magandang kinabukasan sa mga probinsya nila,” Sabi ni Go sabay giit sa sentimiyento ni Pangulong Rodrigo Duterte na may pangangailangan na bigyan ng “pag-asa” ang mga Filipinos para sa magandang kinabukasan sa gitna nang socio-economic impact ng COVID-19 health emergency.
“While we are doing our best to overcome this crisis, let us work together to assure Filipinos that there is hope of a better tomorrow after COVID-19. We can do this by providing them opportunities to rebuild their lives in their home provinces,” dagdag pa nito.
Sabi ni Go, pangunahin sa mga hakbang para mahikayat ang mga Filipino na bumalik sa mga lalawigan ay tugunan ang kakulangan ng livelihood opportunities sa pamamagitan ng pagkakaloob ng trabaho at pagpapalakas ng kaunlaran sa kanayunan. Idinagdag pa nito na sa Ilang dekada nang nakalilipas ay patuloy ang pagdagsa ng mga Filipino sa Metro Manila para maghanap ng opurtunidad na wala sa kanilang bayan.
“Marami po sa ating mga kababayan ang pumupunta sa Maynila para makahanap ng mga oportunidad para mapunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya. Kaya importante na dalhin natin ang livelihood opportunities na ito sa kanilang mga lugar para hindi na nila kakailanganing lumisan pa,” Sabi pa ni Go.
“’Yung mga nasa Maynila naman, kung alam nila na may trabaho at kabuhayan sa kanilang probinsya, mas pipiliin nilang bumalik nalang doon,” dagdag nito.
“Probinsyano rin po ako kaya naiintindihan ko ang sitwasyon nila. Mas gugustuhin ng isang probinsyano na makapiling ang kanyang pamilya at manirahan sa lugar na presko ang hangin at hindi masikip ang mga komunidad at mga kalsada — basta may sapat na kabuhayan para umunlad rin ang antas niya sa buhay,” Paliwanag pa ng Senador.
Isiniwalat din nito ang kinahinatnan ng mga taga-probinsiya na nakipagsapalaran sa Metro Manila na ang iba ay kalaunan ay mas naghirap ang kondisyon ng pamumuhay.
Aniya, nalalantad tuloy sa mas malaking problema ang mga dati nang hikahos sa buhay dahil sa wala naman silang pagpipilian kundi ang masadlak sa trabaho na kakarampot ang suweldo.
“Marami sa kanila ang nagsisisi ngunit wala lang talaga silang choice,” giit pa nito habang ikinikuwento ang kanyang mga nasasaksihan tuwing bumibisita sa mga biktima ng sunog sa Metro Manila kasabay nang tanong kung sino ang gustong bumalik sa kanilang lalawigan.
“Sa tuwing bumibisita ako sa mga biktima ng sunog at tinatanong ko sila kung nais nilang bumalik ng probinsya, marami sa kanila ang nagtataas ng kamay. Ngunit nagdadalawalang isip sila dahil hindi sila sigurado kung may mga makukuha ba silang trabaho doon sa probinsya,” Sabi pa nito.
Ngayon pa lamang Sabi ng Senador ay kailangan nang paghandaan ang implementasyon ng “Balik Probinsya” program bilang sangkap sa pagpapalakas sa kanayunan, pagpapaluwag sa Metro Manila, at tugunan ang adverse socio-economic impact hatid ng COVID-19.
“Mahirap bumangon mula sa COVID-19 kung hahayaan pa rin nating magkumpol-kumpol ang mga tao sa Kamaynilaan at wala pa ring asensong mangyayari sa mga probinsya,” saad nito.
Matapos ang panukala ni Go, isang virtual meeting ang ginanap nitong lunes kasama ang was concerned government officials sa pangunguna ni Executive Secretary Salvador Medialdea. Pinag-usapan ang inisyal na mga plano patungkol sa short-term at long-term goals.
Ang Executive Secretary, katuwang ang National Housing Authority at National Economic and Development Authority ang siyang mangunguna sa planning stages ng “Balik Probinsiya” program. Ang Concerned agencies katulad ng Department of Interior and Local Government, Department of Social Welfare and Development, Department of Trade and Industry at Department of Agriculture, at iba pa ay Kabilang din sa programa.
Unang paplanuhin ng gobyerno ang paghahanda para asistihan ang stranded workers sa Metro Manila na gustong umuwi na sa kanilang home provinces kapag inalis na ang enhanced community quarantine. Inihahanda na rin ang posibleng pagkakaloob ng libreng transportasyon, pagkain, at tulong-pinansiyal ang mga benipisyaryo.
Ayon kay Go, pag-aaralan niya ang posibilidad nang mga batas na kinakailangan para suportahan ang “Balik Probinsya” initiatives.
“Hahanapan natin ng paraan upang ganahan ang mga negosyo na mag-invest o mag-expand sa mga probinsya. Palalakasin rin natin ang sektor ng agrikultura para ma-promote pa lalo ang rural development,” Sabi ng Senador.
Samantala, Nagpahayag naman ng kanyang suporta si DSWD Secretary Rolando Bautista sa planong “Balik Probinsya” sa pamamagitan ng statement. Aniya, “economics (livelihood, employment, housing, food supply), socio cultural factors, religion, health, and sanitation facilities, education, training and skills to gain employment based on local employment and industry demands, law and order, wages and labor laws, among others have to be considered.”
Ayon kay Bautista, maaring magsagawa ang kanilang social workers ng tinatawag na social case management sa mga pamilya na nais ma-relocate.
Initekumenda rin ni Sec. Bautista ang gradual moving out by phases depende sa kapasidad ng local government units para suportahan at ma-sustain ang matagumpay na relokasyon ng mga migrante mula sa National Capital Region.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.