NFA, pinaigting ang kampanya laban sa fake rice

bigas
Inquirer file photo

Kung ang National Food Authority (NFA) ang tatanungin, walang dahilan para maalarma o mag-panic sa balita sa Davao City tungkol sa pekeng bigas.

Sa panayam ng Radyo Inquirer kay NFA spokesman Jerry Imperial, sinabi nito na dapat maging mapagmatyag ang lahat para matiyak na ang binibili ay tunay na bigas.

Sa ngayon ay pinaigting na ng NFA ang inspeksyon hindi lamang sa presyo ng bigas kundi pati sa kalidad ng stocks ng mga rice retailer.

Binalaan din aniya ng NFA ang mga retailers laban sa pagbebenta sa merkado ng mga pekeng bigas.

Aniya, sinumang mapapatunayan na nagbebenta ng mga katulad na produkto ay may katumbas na kaparusahan sa ilalim ng batas.

Tiniyak naman ng mga retailers sa NFA na hindi sila maglalakas loob na gumawa ng ganon dahil sila rin ang mababalikan bilang negosyante.

Kaugnay nito, nanawagan si Imperial sa publiko na ipaalam sa kanilang opisina kung may makikitang pekeng bigas sa merkado.

“Kaya nga sabi ko madali po yan, wala pong 30 minutes sa NFA, kung raw rice o uncooked rice ang dadalhin malalaman po natin base sa parameters ng original na bigas kung yan ay pasado sa parameters ng tunay na bigas o hindi”, ayon kay Imperial.

Base sa inisyal na resulta sa testing ng pekeng bigas sa Davao City, lumalabas na major component nito ay starch pero hindi pa nila matukoy kung saan ito galing.

Natuklasan din nila na ito ay may contaminants na hindi food grade pero bigo rin sila na matukoy kung ano eksakto ang komposisyon nito./ Alvin Barcelona

Read more...