Upang hindi na maulit ang pamamaril ng isang pulis sa isang sundalo na may mental health problem, isinusulong ni ACT-CIS Partylist Rep. Niña Taduran na sumailalim sa komprehensibong psychological training ang lahat ng mga law enforcer.
Ayon kay Taduran, kailangang dumaan din sa psychiatric evaluation at comprehensive psychological training ang mga otoridad upang agad na matukoy ang isang indibidwal na mentally health challenge at para kaya ring i-handle ng isang officer ang mga kahalintulad na sitwasyon.
Sinabi ng lady solon na halata namang may kapansanan ang nasawing si Ex-Corporal Winston Ragos dahil nilapitan at bigla na lamang ininsulto nito ang mga pulis na nagbabantay sa checkpoints.
Dapat aniya ay napairal ng mga pulis ang maximum tolerance sa paghawak sa mga lumalabag sa enhanced community quarantine lalo pa’t sa mga panahon ngayon ay madali na magalit at ma-depress ang mga tao dahil sa uncertainty o kawalan ng katiyakan sa sitwasyon.
Nais ding mapag-aralan ni Taduran ang Philippine Mental Health Act dahil hindi nito sakop kung papaano hahawakan at itatrato ng mga law enforcers ang mga taong may mental illness.