Inihayag ng World Health Organization (WHO) posibleng abutin ng isang taon hanggang isa’t kalahating taon bago mailabas ang magagawang bakuna laban sa Coronavirus Disease o COVID-19.
Sa virtual presser, sinabi ni Dr. Socorro Escalante, COVID-19 incident manager ng WHO Western Pacific Region, ito ang pinakamaaga o short test period para mapag-aralan ang bakuna kung ligtas at epektibo nang magamit sa taong apektado ng nakakahawang sakit.
Sa ngayon, mayroon na aniyang anim na “candidate vaccines” na pinag-aaralan sa iba’t ibang parte ng mundo.
“Mayroon na po tayong anim na tinatawag nating “candidate vaccines” na kasalukuyang pinag-aaralan sa iba’t ibang parte ng mundo. At ang pinaka-maaga po na itong mga bakuna ay mailabas at mairehistro sa mga iba’t ibang bansa ay mga one year to one and a half year. ‘Yun po ‘yung pinaka-short test period na pwedeng ang bakuna ay mapag-aralan na ligtas at epektibo at pwede na pong gamitin ng tao,” ani Escalante.
Patuloy naman aniyang hinihikayat ang mga scientist at eksperto na makiisa sa pag-discover ng bakuna laban sa COVID-19 pandemic.
“Sa kasalukuyan, ang WHO ay nanghikayat ng mga scientist and expert saka po sa mga institution around the world para mag-participate sa pagdi-discover ng bakuna laban sa sakit na ito,” ani Escalante.
Ipinaliwanag naman nito na matagal ang proseso sa pag-develop ng bakuna dahil may mga hakbang na kailangang sundin ang mge eksperto.
Kasabay nito, dalawang rekomendasyon ang ibinigay ni Escalante para magawang hakbang ng Pilipinas.
Habang hinihintay na ma-develop ang bakuna galing sa ibang bansa, kailangan nang ihanda ang kapasidad para makapag-regulate upang matiyak na magiging ligtas at epektibo ang mga bakuna sa bansa.
Kailangan din aniyang ihanda ang local production dahil marami rin aniyang magagaling na scientist sa bansa.