Hinimok ni Senator Nancy Binay ang Inter-Agency Task Force na magpalabas na ng komprehensibong plano para sa mga lokal na pamahalaan, negosyo at maging sa publiko na magiging gabay sa kanilang ikikilos kapag binawi na ang enhanced community quarantine sa Mayo 15.
Aniya ang dapat maging laman ng plano ay kung ano ang dapat asahan ng sambayanan sa Mayo 16 sa sinasabing ‘new normal’ na dala ng krisis.
Mahalaga din ayon pa kay Binay na maging malinaw sa mga negosyo kung ano ang kanilang magagawa para makabangon at umaayon ang kanilang operasyon sa ‘new normal.’
Sinabi pa na ng senadora na ang guidelines ngayon ng Inter-Agency Task Force ay maaring gawin batayan na hinihingi niyang handbook para sa public transport system, building management, eskuwelahan, restaurants, hotels, tindahan, at amusement and entertainment centers.
Dagdag pa ni Binay dapat ngayon linggo ay may mga informercials na sa TV at social media para sagutin ang tanong ng sambayanan at mawala ang kanilang pag-aalinlangan sa pagtanggap sa ‘new normal.’
Dapat din aniya bago sumapit ang Mayo 15 ay handa na ang task force sa ‘roadmap’ para maging malinaw ang gagawing pagtitimon ng gobyerno sa sambayanan habang hindi nawawala ang banta ng COVID 19.