Anong “strain” ng COVID-19 ang narito sa Pilipinas? – WAG KANG PIKON! ni Jake J. Maderazo

By Jake J. Maderazo April 26, 2020 - 06:52 PM

Higit isang buwan na tayong naka-lockdown, pero may nagsabi ba sa atin kung anong “strain” ng COVID-19 (SARSCOV-2) ang nananalasa ngayon sa bansa?

Ang nabalitaan ko lang sa DOH ay meron silang tinitingnan na dalawang “strains” na ang isa’y L-type na “mild” lang at ang ikalawa ay S-type, na mabagsik at nakamamamatay.

Kaya naman nagulat ako sa kwento nitong si Malaysian Health Director General Dr. Noor Hisham Abdullah na meron silang natuklasang tatlong klase ng “strains” ng COVID-19, type A, B at C. At para magamot ang pasyente, kailangang malaman ng doctor kung anong klaseng “strain” ang dala ng pasyente.

Ayon kay Dr. Noor, sa kanilang pagsusuri sa mga Malaysians, ang “strain” galing ng Wuhan China ay Type B, samantalang ang nanggaling sa Europa ay Type-C at ang galing USA ay Type-A.

Ayon pay ka Dr. Noor, “mutations” ang dahilan kung bakit magkakaiba ang mga strains sa Wuhan, China, Europa at ngayo’y Amerika. Nakolekta nila ang mga strains sa pagsusuri sa “first wave” mula China na lahat ay “strain B”, samantalang sa “second wave” mula Italy, America at Japan ay puro “strain A” ang naging resulta.

Karamihan ng mga ginagamot nilang pasyente ngayon sa Malaysia at maging Singapore ay Type-C strain mula sa Europa.

At dahil kilala at alam ng Malaysia ang mga COVID-19 strains sa kanilang mga pasyente, mas maganda ang kanilang “deaths/recoveries ratio” o nakaka-recover kaysa namamatay. Sila ay nasa 98/3,762 o nasa 2 percent lamang ang “mortality.”

Ikumpara ninyo iyan sa record ng Indonesia na 720/1,042 na may 40.8 percent “mortality” at Pilipinas sa 494/792 o meron tayong 38.4 percent mortality.

Kaya naman ang malaking tanong sa ating Department of Health at buong hospital care system, alam din kaya natin kung anong “strain” ang hinaharap natin sa bawat pasyente?

Simula ngayon hanggang Mayo 15, prayoridad ang malawakang “rapid antibody test” o Polymerase chain reaction (PCR) test sa mga taong may sintomas at kanilang “probable” at “suspected close contacts”.

Sa ngayon, ang DOH ay nakakapag-test lamang ng 4,000 bawat araw, malayo sa target 8,000 bago mag Abril 30. Sa kanilang report , umabot sa 81,292 katao ang kanilang nasuri. Mas maganda na rin ito sa Indonesia na meron lamang 57,864.

Sa Southeast Asia, nangunguna sa “testing” ang Vietnam-206,253, Thailand-142,589, Malaysia-126,790 at Singapore-121,774.

At sa maniwala kayo o hindi , wala pang namamatay na COVID-19 patient sa Vietnam, at maging sa Cambodia (na may kakarampot na 5,768 tests) ganoon din ang Laos (1,661 tests). Marahil ito’y pawang “under-reported” dahil ang kanilang mga gobyerno ay “authoritarian” katulad ng North Korea at China.

Pero ngayong magkatuwang na ang DOH-Red Cross-UP-NIH sa “massive testing”, mas makikita na ang mga kababayan nating “carriers” ng virus na ito. Sila ay kailangang mailayo sa kanilang mahal sa buhay at sa taumbayan para gamutin sa mas maraming quarantine facilities.

Sa ganitong paraan, hindi lubusang lolobo ang bilang ng ating mga pasyente at hindi mabubulunan ang ating “hospital systems” tulad ng nangyayari ngayon sa Spain, USA, UK, Italy, Iran at France.
Sa galing ng ating mga Pinoy doctors, sigurado akong mapipigil at masasawata natin ang mga posibleng “local COVID-19 outbreaks” sa hinaharap.

TAGS: column, COVID-19 update, enhanced community quarantine, Inquirer column, Radyo Inquirer column, strain ng COVID-19, column, COVID-19 update, enhanced community quarantine, Inquirer column, Radyo Inquirer column, strain ng COVID-19

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.