Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, hindi kasi makatarungan na tambangan na lamang ang mga sundalo at agawin ang relief goods na ipamimigay sana sa mga apektado ng COVID-19.
Sinabi pa ni Roque na dahil walang trabaho ang mga rebelde, maari silang mag-qualify sa mga cash subsidy program ng pamahalaan.
Mahalaga aniya na ibaba muna ng mga rebelde ang kanilang armas.
“Alam ninyo, kung kinakailangan po ng ayuda ng NPA dahil jobless naman sila, baka mag-qualify po sila. So, kinakailangan ay ibababa na po muna nila ang kanilang mga baril at pumila gaya ng lahat ng mga nangangailangan para sa ayuda sa gobyerno; pero huwag namang gagamitin ang baril para kumuha ng mga pangangailangan para sa mga panahong ito,” pahayag ni Roque.
Una rito, nagbanta si Pangulong Rodrigo Duteete na idedeklara ang martial law kung patuloy na manggulo ang NPA habang abala ang pamahalaan sa pagtugon sa problema sa COVID-19.
Dalawang sundalo ang nasawi nang tambangan ng NPA ang tropa ng militar sa Aurora Province noong April 21 habang inaayudahan ang mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na namamahagi ng relief goods.