Palasyo, ipinag-utos sa DepEd na pag-aralan kung kailan itatakda ang pag-uumpisa ng klase
Inatasan na ng Palasyo ng Malakanyang ang Department of Education (DepEd) na pag-aralan kung maaring ma-postpone o maipagpaliban ang pag-uumpisa ng klase sa Agosto o Setyembre sa halip na Hunyo dahil sa COVID-19.
Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, nakasaad kasi sa batas na dapat sa Hunyo o huling linggo ng Agosto ang pagbubukas ng klase.
Ayon kay Roque, wala namang problema kung pag-aaralan ng DepEd ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force on Infectious Diseases na sa Setyembre na ang pagbabalik ng klase dahil nasa state of emergency naman ang bansa dahil sa COVID-19.
“Well, iyan po ang naging rekomendasyon ng IATF bagama’t mayroon pong batas ‘no. So pinag-aaralan pa rin po ng DepEd kung pupuwede talagang ma-postpone all the way to September kasi iyong current batas po nagsasabi na ang pagbukas ng klase ay dapat Hunyo hanggang huling linggo ng Agosto. Pero sa tingin ko maliit na bagay naman iyan, kasi pinag-uusapan lang natin siguro isang linggo ‘no dahil sabi naman sa batas up to last week of August ay pupuwede. Pero since we’re in a state of national emergency, kung talagang tingin ng IATF na Setyembre talaga, tingin ko hindi naman magiging problema iyan. But binibigyan po natin ng pagkakataon ang DepEd para tuluyang pag-aralan itong bagay na ito at sila po ang magsusumite ng pinal na rekomendasyon sa IATF,” pahayag ni Roque.
Ayon kay Roque, ang sigurado ay hindi magbubukas ang klase sa Hunyo.
“Ang sigurado siguro ngayon Usec., wala pong pasok ng Hunyo. Sigurado na po iyon. Pag-uusapan lang kung Agosto or Setyembre,” ani Roque.
Ang inaalala lamang aniya ng Palasyo ang mga guro na nasa pribadong paaralan o ang mga part time teachers dahil maaring naapektuhan na ang kanilang sweldo.
Pero wala naman aniyang dapat na ipag-alala ang mga apektadong guro dahil may mga programa naman ang pamahalaan. Maari lamang aniyang makipag-ugnayan sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.