14,000 estudyante ng University of Caloocan City, makakatanggap ng P1,000 tulong-pinansiyal

Makakatanggap ang mahigit 14,000 na estudyante ng University of Caloocan City (UCC) ng tig-P1,000 tulong-pinansyal.

Ito ay kasunod pa rin ng extension ng enhanced community quarantine bunsod ng COVID-19.

Ayon kah Mayor Oscar Malapitan, karamihan sa UCC students ay nagtatrabaho para masuportahan ang pamilya at pag-aaral.

“Nauunawaan natin na karamihan sa ating mga mag-aaral sa UCC ay kabilang sa ating working group na pansamantalang nawalan ng hanapbuhay at labis din na naaapektuhan ng krisis na dulot ng pandemyang ito,” pahayag ng alkalde.

Kasama rin aniya sa benepisyo ang mga estudyante sa nasabing unibersidad na hindi nagtatrabaho.

Aniya, prayoridad na matulungan ang mga kabataan sa panahon ng COVID-19 crisis.

“Lahat ng mag-aaral natin sa UCC na naka-enrol ng ikalawang semester, S.Y. 2019-2020 ay makakatanggap ng ating cash assistance. Ito ay target natin maibigay sa susunod na linggo,” dagdag pa nito.

Payo sa mga mag-aaral ng UCC na sumama sa official Facebook group ng University of Caloocan City para antabayanan ang anunsiyo ukol sa proseso para makuha ang tulong-pinansyal.

Read more...