Sa limang pahinang resolusyon, sinabi ni Sandiganbayan First Division Chairman, Associate Justice Efren dela Cruz na bigo ang prosekusyon na iprisinta sa kanilang motion for reconsideration ang anumang valid na argumento o ebidensya na magbabaligtad sa una nilang pagbasura ng kaso laban kay Cayetano at City Administrator Jose Luis Montales.
Noong October 2015, nagsampa ng kaso ang Office of the Ombudsman laban kina Cayetano at Montales dahil sa paglabag sa Revised Penal Code.
Nag-ugat ang kaso sa umano’y labag sa batas na tangka na pigilan ang assembly ng city council noong August 2010 sa pamamagitan ng pag-padlock sa City session hall.
Sinabi ng Ombudsman na dahil dito ay napilitan ang sangguniang panglungsod na magsagawa ng una at sumunod na labing-apat na sesyon ng kanilang assembly sa hagdan sa City Hall dahil hindi sila kasya sa City auditorium.
Pero ipinunto ng anti-graft court na sinulatan ni Montales si Vice Mayor George Elias at ang City Council ukol sa re-engineering at re-organization plan kaya sarado ang session hall pero may inilaan na mga kwarto para sa mga opisyal.