Layon ng One-Stop Shop na matulungan ang mga na-repatriate na overseas Filipino workers (OFW).
Sanib-pwersa ang Department of Transportation (DOTr), Department of Tourism (DOT), Philippine Coast Guard (PCG), Maritime Industry Authority (MARINA), Office for Transportation Security (OTS), Manila International Airport Authority (MIAA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Philippine National Police (PNP), at Bureau of Quarantine (BOQ) sa pagbuo ng OSS para mailipat ang mga OFW sa iba’t ibang isolation facilities para sumailalim sa 14-day mandatory quarantine.
Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, makakatulong ang OSS para malaman ng bawat OFW kung saan pasilidad sila dadalhin para sa quarantine period.
“Layunin ng one-stop shop na matulungan ang ating mga kababayan na malaman kung saang government quarantine facility sila maaaring mag-quarantine ng labing-apat (14) na araw, alinsunod sa mandato ng IATF,” pahayag ni Tugade.
Maglalagay din aniya ng monitoring chart para makita kung anong pasilidad ay available pa.
“Maglalagay din tayo ng mga monitoring chart para makita kung anu-ano pa ang mga available na quarantine facility ng gobyerno na pwedeng matuluyan ng mga paparating na OFW dahil hindi magandang tingnan na dadalhin sila sa isang lugar at sasabihin no vacancy, at pagkatapos ay lilipat ka na naman,” dagdag pa nito.
Ang MIAA, PCG, OWWA, DFA, DOT at iba pang ahensya ang maglalagay ng update sa monitoring charts.
Pagdating ng mga OFW, kailangang sumagot sa data form. ilang katanungan hinggil sa travel history at lagay ng kondisyon.
Ayon kay OTS Administrator Undersecretary Raul Del Rosario, makakatulong ito para sa pagsasagawa ng contact tracing kung kakailanganin.
Pangungunahan naman ng medical team mula sa PCG ang rapid COVID-19 testing sa OFWs sa OSS holding area sa bahagi ng Gate 1 ng NAIA Terminal 1.
“Magkakaroon ulit ng rapid testing sa ika-labing-apat (14) na araw ng quarantine ng mga OFWs. This time, ang medical team from OSS na ang pupunta sa mga quarantine facilities para isagawa ito,” ani Del Rosario.
Samantala, target magtalaga ng OSS sa NAIA Terminal 2 kung saan nag-ooperate ang ilan pang charter flights.