Fuel subsidy ng CleanFuel, pinalawig hanggang May 15

Pinalawig ng kumpanyang CleanFuel ang ibinibigay na fuel subsidy assistance para sa mga bus na kabilang sa Free Ride for Health Workers Program ng Department of Transportation (DOTr).

Ito ay kasunod ng anunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa extension ng enhanced community quarantine sa ilang lugar kabilang ang National Capital Region.

Maaari pa ring makapag-avail ng 810 litrong gas ang bawat bus unit na kasama sa Free Ride for Health Workers Program sa mga piling gas station ng oil company hanggang May 15.

Ayon kay Transportation Assistant Secretary for Road Transport Steve Pastor, malaking tulong ang naturang hakbang ng CleanFuel para sa paghahatid ng mga health workers sa gitna ng COVID-19 pandemic.

“Taos-puso po ang pasasalamat ni Secretary Arthur Tugade at ng buong DOTr sa CleanFuel. Simula pa noong Abril 8, nand’yan na sila upang tumulong sa ating mga bus units. At in-extend pa nila ito hanggang May 15. Gaya po ng palaging sinasabi ng ating Kalihim, malaking tulong po ito, hindi lang sa amin, o sa mga bus operators, gayundin sa mga frontliners na aming siniserbisyuhan araw-araw,” ani Pastor.

Maaari ring makapagpa-gas ang mga bus unit sa CleanFuel Kamias, at Pioneer branches.

Hanggang April 24, nasa 395,287 ang kabuuang bilang ng hatid na medical worker sa ilalim ng Free Ride for Health Workers Program simula noong March 18.

Read more...