Bilang ng napauwing OFW sa Pilipinas, nasa 19,466 na
Umabot na sa 19,466 ang bilang ng mga napauwing overseas Filipino worker (OFW) mula sa iba’t ibang bansa, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Brigido Dulay na mahigit 15,000 sa nasabing bilang ay mga seafarer mula sa 75 cruise ships habang nasa 4,000 naman ang land-bases OFWs.
Bumuhos aniya ang pag-uwi ng mga OFW simula nang ipatupad ang enhanced community quarantine.
Sinabi ni Dulay na binuo sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang Sub-task Group for Repatriation of OFWs.
Ito aniya ang nangangasiwa ng repatriation ng mga OFW mula sa iba’t ibang bansa.
Pagkadating ng Pilipinas, sinabi ni Dulay na dadaan sa 14 araw na quarantine period ang bawat OFW.
Sa mga seafarer na nakapag-quarantine na sa cruise ship, maaari iyon na ang magsilbi nilang quarantine.
Sa land-based OFWs naman, kailangan dalhin sa mga itinalagang quarantine facility sa bansa.
Ibibigay naman aniya ang certificate of completion kapag nakatapos ang bawat OFW sa 14-day quarantine period.
Dagdag pa ni Dulay, patuloy nilang inaayos para walang maging aberya sa pag-uwi ng mga OFW sa kani-kanilang probinsya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.