Emergency hiring, mga benepisyo ng health workers prayoridad ng DOH
Inihayag ng Department of Health (DOH) na prayoridad nila ang emergency hiring at pagbibigay ng mga benepisyo sa mga healthcare worker.
Sa virtual presser, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ito ay dahil pinakamahalaga sa COVID-19 response ang mga health worker.
Nasa 15,000 health workers aniya ang kinakailangan na tumulong sa COVID-19 response kung kayat kailangan gawin ang emergency hiring.
Sinabi pa ni Vergeire na humiling ang kagawaran ng pondo sa Department of Budget and Management (DBM) dahil hindi sapat ang budget ng DOH.
Sa ngayon, ang budget aniya para sa 857 healthcare workers ang naaprubahan na ng DBM.
Dagdag pa nito, hanggang April 22, pitong health facilities na ang nag-request ng karagdagang health workforce sa ilalim ng emergency hiring.
Base sa pitong request, 701 slots na aniya ang sinisimulan nang iproseso para sa Lung Center of the Phlippines, Philippine General Hosiptal, Tala hospital, at Research Institute for Tropical Medicine.
Inaantabayanan naman ang iba pang human resource requirements ng iba pang pasilidad.
Nagtatalaga na rin aniya ang DOH ng 639 nurses sa ilalim ng Nurse Deployment Program ng kagawaran at LGU hospitals sa buong bansa.
Sa nasabing bilang, 192 ay nasa Luzon at 447 naman sa Visayas at Mindanao.
Naka-aasign aniya ang karagdagang nurses sa mga ospital para tumulong sa pag-asikaso sa COVID-19 patients.
“Nag-realign na rin ang DOH ng budget na P7.9 million para sa RITM upang mabigyan ng sweldo at benepisyo ang 22 na health workers na nakatalaga sa nasabing pasilidad,” dagdag ni Vergeire.
Sa ngayon, mayroong 160 health workers na nakatalaga sa RITM.
Samantala, batay naman sa Department memorandum 2020-0153, makakatanggap ang mga health personnel ng kaukulang benepisyo habang sila ay nagsisilbi.
Kabilang aniya rito ang mga sumusunod:
– Basic salary plus premium of up to 20 percent of basic salary
– COVID-19 special risk allowance at hazard pay ng P500 kada araw kahit on-duty o naka-quarantine ang personnel
– GSIS group insurance, one-time premium of P500
– Hospitalization benefits na babayaran ng PhilHealth
– P100,000 sakaling magkaroon ng infirmity dahil sa COVID-19
– P1 milyon sakaling pumanaw
– Communication at transportation allowance na P1,000 kada buwan
“Bukod po dito, sila na rin po ay makakatanggap ng PPEs, board and lodging habang naka-duty o naka-quarantine, psychosocial support, CPD units, medico-legal assistance, at preferrencial evaluation para sa DOH vacancies base sa kwalipikasyon ng aplikante,” ayon pa kay Vergeire.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.