ECQ dapat palawigin pa hanggang May 15 – Dr. Leachon

Dapat palawigin ng labinglimang araw pa ang umiiral na enhanced community quarantine.

Ayon kay COVID-19 national task force special adviser Dr. Anthony Leachon, pabor siya na i-extend pa ang ECQ mula May 1 hanggang May 15.

Ito aniya ay kabilang sa kaniyang iprinisinta kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pulong sa Malakanyang kasama ang iba pang health experts.

Binanggit ni Leachon ang nalalapit nang pagpasok ng panahon ng tag-ulan.

Ayon kay Leachon kailangan ng mas mahabang panahon ng pamahalaan para ayusin at tiyakin ang healthcare capacity sa bansa.

Maari kasing sa pagpasok ng panahon ng tag-ulan ay maliban sa COVID-19 dumami rin ang mga magkakasakit ng trangkaso, dengue, leptospirosis at iba pang sakit kapag tag-ulan.

Kapag panahon ng tag-ulan at nakaranas ng pagbaha sa ilang mga lugar, kakailanganin pang ilikas ang mga residente at dadalhin sa mga evacuation center.

Naniniwala din si Leachon na dapat Agosto o Setyembre na ibalik ang klase dahil maaring malantad pa sa mga sakit ang mga bata kapag ipinilit na ibalik ang klase sa Hunyo.

 

 

 

Read more...