Inihayag ng Department of Health (DOH) na bumabagal na ang ‘doubling time’ ng COVID-19 cases sa Pilipinas.
Sa virtual presser, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ito ay resulta ng mahigit isang buwang pag-iral ng enhanced community quarantine sa Luzon.
Batay aniya sa pahayag ng mga eksperto, mula sa tatlong araw, bumagal pa ang ‘doubling time’ sa limang araw.
“Bumabagal na ang doubling time. Ibig-sabihin nito, kung dati-rati sa loob ng tatlong araw ay dumudoble ang mga kaso. Ngayon, mas matagal na ito. Halos limang araw na ang average. Ito ay malaking improvement,” ani Vergeire.
Target naman aniya ng gobyerno na umabot sa 30 araw ang ‘doubling time’ ng COVID-19 sa Pilipinas.
“Syempre mas gusto natin na mahigit sa 30 araw ang ating doubling time. Ibig-sabihin kung kahapon, April 20, 6,000 ang ating kaso, dapat sa May 20, 12,000 pa lang ang kaso natin kung gusto natin na 30 days ang ating doubling time,” pahayag pa nito.