‘Mock elections’ isasagawa sa 20 lugar

Niño Jesus Orbeta/Inquirer

Magsasagawa ng mock elections ang Commission on Elections (COMELEC) sa 20 lugar bukas.

Sa isang pahayag, sinabi ng COMELEC na nasa mahigit 25,000 na botante ang inaasahan nilang dadalo sa nasabing test na naglalayong testingin ang voting system na gagamitin nila sa halalan sa May 9.

Dito rin nila titiyakin ang security, accuracy, system and functional capability at integrity ng mga vote-counting machines (VCMs), transmission devices, consolidation at canvassing system.

Ayon pa sa COMELEC, ang magaganap ay isang simulation ng buong proseso ng halalan, mula sa deployment, bismong pag-boto, consolidation at transmission, para mabuo ang tiwala at pag-tanggap ng publiko sa Automated Election System (AES).

Isasagawa ang mock elections sa:

Taguig City – Tuktukan at Western Bicutan
Pateros – Poblacion at Aguho
Quezon City (First District) – Bagong Pag-asa at San Isidro Labrador
Manila (Fifth District) – Barangay 669 at 649
Dagupan City – Poblacion Oeste at Pugaro
Alaminos – Poblacion at Linmansangan
Tuguegarao City – Centro 1 (Poblacion) at Nambalan Norte
Aparri – Centro 1 (Poblacion) at Paddaya
Sorsogon City – Poblacion at Osiao
Matnog – Camcaman (Poblacion) at Calintaan
Kalibo – Poblacion at Linabuan
Malay – Poblacion at Balabag
Cebu City (First District) – Mabolo at Lusaran
Santander – Poblacion at Cabutongan
Dipolog City – Barangay Central (Poblacion) at Sinaman
Sindangan – Poblacion at Tinaplan
General Santos City – Dadiangas East at San Jose
Surallah – Libertad at Canahay (Godwino)
Jolo, Sulu – San Raymundo at Tulay
Lamitan City, Basilan – Malinis at Parangbasak

Samantala, naging isyu kamakailan lang ang hindi pagtanggap ng VCMs ng 1 to 2 percent ng mga balotang tinest, at dahil rito, maaring 500,000 hanggang 1 million sa 50 milyong balota ang hindi tanggapin ng makina sa mismong eleksyon.

Dahil dito, nangamba na ang mga presidentiables sa maaring maganap na glitches sa araw ng halalan sa May 9.

Sa katunayan, ang abogado ni Sen. Grace Poe na si George Garcia ay humingi ng komprehensibong written report mula sa technical evaluation committe ng COMELEC hinggil sa resulta ng testing ng VCMs sa lalong madaling panahon.

Ganoon din ang naging alalahanin ng kampo nina Vice President Jejomar Binay at Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Ayon kay United Nationalist Alliance (UNA) spokesperson Mon Ilagan, mukhang may nais nang magsamantala sa mga lumilitaw na problema at maaring may mga taong hahayaan lang na manipulahin ang eleksyon.

Kaya nanawagan si Ilagan na sana ay maayos na ang mga isyu, at nang hindi magamit ng COMELEC ang ‘glitches’ para suspendehin ang eleksyon o ibalik sa manual ang botohan.

Si PDP-Laban president Sen. Aquilino Pimentel III naman ay nais na opisyal at pormal na tanungin ang COMELEC kung ano na nga ba talaga ang nangyayari, kaya hinihingi na rin niya ang orihinal at updated na timetable ng poll body para pag-kumparahin ito.

Dismayado at nababahala na kasi aniya siya sa mga nagaganap sa paghahanda ng COMELEC para sa halalan.

 

Read more...