Pinuno ng Batangas PNP sinabon dahil sa operasyon ng mga criminal groups sa lalawigan
Hindi naitago ni PNP Chief Ricardo Marquez ang kanyang pagka-inis sa mga opisyal at tauhan ng Batangas Provincial Police Office sa kawalan umano ng aksyon sa reklamo ng harassment at extortion sa mga locators sa mga industrial estates doon.
Sa panayam matapos ang kasalang-bayan sa Camp Crame, ikinainis ni Marquez ang umano’y mistulang kawalan ng kaalaman ni Batangas PNP Provincial Director SSupt. Arcadio Ronquillo sa nagaganap na extortion activities.
Babala ni Marquez, kung hindi umano kaya ni Ronquillo ang trabaho ay mas mabuting mag-resign na ito at palitan ng mga mas mahusay na mga opisyal.
Nagtataka si Marquez kung bakit kinailangan pa ang tulong ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na manguna sa operasyon laban sa mga criminal gangs sa lugar.
Sa reklamong tinanggap ni Marquez, marami umano sa mga locators ang kinokotongan ng mga criminal gangs at kapag hindi nagbigay ay sinisira ang kanilang mga kagamitan paglabas ng Industrial Zone.
Karamihan ng mga locators ay nasa lungsod ng Tanauan at bayan ng Sto Tomas Batangas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.