Tone-toneladang gulay ang binili ng pamahalaang bayan ng Rosario sa mga magsasaka ng Nueva Ecija.
Kabuuang animnaput’ dalawang toneladang pinakbet na gulay ang binili ng Rosario, Cavite mula sa ani ng high value crops farmers ng Brgy. Vega, Bongabon, Nueva Ecija at Brgy. Estrella, Rizal, Nueva Ecija.
Lubos naman ang pasasalamat ng High Value Crops and Rural Credit Office ng Department of Agriculture (DA) sa pamumuno ni Usec. Evelyn Laviña kay Mayor Jose M. Ricafrente sa tiwalang ipinagkakaloob sa mga produktong gulay ng mga magsasaka ng Nueva Ecija.
Nabatid na Abril 16, 2020 nang ibigkis ng mga magsasaka ang mga gulay at kaagad din naman itong naipamahagi sa Rosario, Cavite noong Abril 17, 2020.
Sakay ng limang trak ay maayos na naihatid ang mga bagong ani na gulay patungong Rosario, Cavite. Aabot sa apatnapo’t isang libong (41,000) pakete ng mga pinakbet na gulay ang naibigkis ng mga magsasaka na ipinamagahi bilang relief sa mga taga-Rosario.
Ayon kay Lucena Ceña ng Valiant Primary Multi-Purpose Cooperative, isa rin sa mga magsasaka, kinabibilangan ng sitaw, okra, kalabasa, talong, ampalaya o kung tawagin ay Pinakbet vegetables ang binili ng Rosario LGU.
Aniya, nagpapasalamat ng malaki ang walumpong mga magsasaka na miyembro ng kanilang kooperatiba sa tiwala at suporta ng Rosario LGU.
Pinagsama-sama ng kanilang kooperatiba ang ani ng mga magsasaka ng Nueva Ecija para matugunan ang malaking demand ng Rosario.
Sinasaluduhan ng Office of the Undersecretary for High Value Crops and Rural Credit ng DA ang partnership ng LGU at ng farmers at farmers cooperative para mapanatili ang kalusugan ng publiko sa harap ng umiiral na Enhanced Community Quarantine sa buong bansa.
Dahil sa suporta ng Rosario LGU ay hindi na mahihirapan pa ang mga magsasaka na ibenta ang kanilang mga ani ngayong pansamantalang isinara ang mga restaurants at iba pang establisemento na siyang bumibili ng kanilang mga produkto dahil sa pag-iral ng ECQ bunsod ng banta ng Coronavirus disease.