Guidelines sa COVID-19 expanded testing inilatag na ng IATF

Photo grab from PCOO Facebook video
Isa-isa nang inilatag ng Inter Agency Task Force on Infectious Diseases ang guidelines para sa COVID-19 Expanded Testing.

Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Alexi Nograles, saklaw ng COVID-19 expanded testing ang lahat ng indibidwal na malaki ang posibilidad na nahawa sa COVID-19.

Kasama na ang suspected cases; mga tao na galing biyahe o may nakasalamuha na taong may COVID-19, may simtomas man o wala; o mga health workers na may posibleng exposure sa taong may COVID-19, may simtomas man o wala.

Kabilang sa mga grupo ng indibidwal na naka-prioritize sa pag-test ang mga pasyente o healthcare workers na may severe o critical na sintomas, at may kasaysayan ng biyahe o kontak sa kumpirmadong kaso ng COVID-19; mga pasyente o healthcare workers na may mild na sintomas, galing sa biyahe o nagkakontak sa kumpirmadong COVID-19 na kaso, at ikinokunsiderang vulnerable; ang mga pasyente o healthcare workers na may mild na sintomas, galing sa byahe o nagkaroon ng contact sa kumpirmadong kaso ng COVID-19; at mga pasyente o healthcare workers na walang sintomas pero may kasaysayan ng biyahe o kontak sa kumpirmadong kaso ng COVID-19.

Ayon kay Nograles, lahat ng subnational laboratories ay inaatasan na ibahagi ang 20%-30% ng kanilang daily testing capacity para sa mga health workers, at ang natitirang 70%-80% para sa mga pasyente.

Sinabi pa ni Nograles na batay sa ebidensya, ang RT-PCR testing na aprubado ng FDA at RITM ay ang siyang confirmatory test.

Ang mga rapid antibody-based test kits ay hindi gagamitin mag-isa para makumpirma ang COVID-19.

Ayon kay Nograles ang mga lisensyadong doktor lamang ang pinapayagang mag-request at gumamit ng antibody-based tests.

Read more...