Ito ay matapos na ilang miyembro ng grupo ang lumabag sa ‘stay at home policy,’ at bumiyahe sa labas ng Metro Manila.
Sinabi ng DILG na tinangka ng Anakpawis na magsagawa ng mass gathering sa Norzagaray, Bulacan sa pagkukunwaring mamamahagi ito ng relief goods.
Ayon kay DILG Spokesperson Usec. Jonathan Malaya, malinaw sa quarantine rules na pwede lang lumabas ng bahay para bumili ng pagkain at gamot.
“By doing this obvious propaganda stunt, Anakpawis has placed the lives of the people of Bulacan at risk. Wala pong pinipili ang COVID-19. Mayaman man o mahirap,” ayon kay Malaya.
Naglagay pa umano ng hindi otorisadong Food Pass ang Anakpawis sa windshield ng gamit nilang jeep at ginamit ang pangalan ni dating Anakpawis party-list congressman Ariel Casilao para makalusot sa checkpoints.
Naharang ang nasabing jeep ng mga tauhan ng Norzagaray PNP lulan ang anim na katao alas 11:00 ng umaga ng Linggo (April 19).
Kanilang sa naaresto ay sina Karl Mae San Juan, Marlon Lester Gueta, Robero Medel, Eriberto Peña Jr., Raymar Guaves, at Tobi Estrada.
Sa ginawang imbestigasyon natuklasan na ang totoong pakay ng grupo ay ang magsagawa ng mass gathering at magdaos ng teach-in o propaganda work laban sa gobyerno.
May mga nakumpiska kasing tarpaulins, pamphlets, at propaganda materials sa jeep.