“Suspected Probable at COVID-19 positive sa barangay, i-quarantine lahat!” sa WAG KANG PIKON! ni Jake J. Maderazo
Usapan ngayon kung extended o hindi ang Enhanced Community Quarantine sa Luzon at Metro Manila Sa April 30. Mainitan ang pagtatalo pero pinaka-importante rito ay nagkaroon ng pagkakataon ang gobyerno upang hindi lalong lumala ang COVID-19 sa bansa. Pero, ang malaking hamon ay ilan ba talaga COVID-19 carriers, ilan ang nahawa sa mga barangay, bayan at lungsod at saan sila dadalhing lahat at gagamutin.
Sa ngayon, 6,087 ang ating confirmed cases at ang mga nasawi ay 397. At dito, 67 percent ay mga senior citizens at 68 percent ay mga lalake.
Sa buong ASEAN, nangunguna ang Indonesia sa confirmed cases-6,248, Pilipinas -6,087, sumunod ang Singapore-5,992 at Malaysia-5,305. Sa COVID-19 testing, Malaysia ang nangunguna-96,695, sumunod ang Singapore -59,737 Pilipinas ang pangatlo- 49,613 samantalang Indonesia ay nasa 37,134 lamang.
Sakaling dumating ang inorder ni Pres. Duterte na 2.2M na rapid testing kits, at ang 900,000 na polymerase chain reaction based kits (PCR), maisasakatuparan na ang “mass testing” sa buong bansa.
Pero, kung pag-aaralan ang mga resulta ng mga testing ngayon, lumilitaw na halos 14 percent ay nagiging “COVID-positive”. Ibig sabihin, kung isang milyong tao ang susubukan, 140,000 ang lilitaw na “positive”.
At dito, napakahalagang padamihin ang mga “quarantine facilities” at “COVID ONLY hospitals” para doon dalhin at gamutin ang mga kababayan nating “carriers.”
Kailangan silang matukoy, makilala at maihiwalay agad-agad sa general population. Salamat sa higit isang buwang ECQ lockdown sa Luzon at NCR dahil kahit unti-unti ay nakapaghanda ng husto ang gobyerno ng mga pasilidad.
Ayon sa IATF, meron na tayong 2,780 quarantine facilities para sa 167,000 na pasyente. Kabilang dito ang PICC, World Trade Center, Ninoy Aquino Stadium, Philsports Arena (Ultra), Philippine Arena, new Clark city building, Athletes Village at ASEAN Convention center. Hindi pa kasama rito ang dalawang barko at ang Presidential yacht BRP Ang Pangulo.
Dito sa Metro Manila, merong mga quarantine facilities ang mga LGU’S tulad ng dalawang HOPE centers ng QC, Makati Friendship suites at apat na emergency facilities , Dahlia hotel ng Pasig,San Juan Science high School, Valenzuela city astrodome at Balai Banyuhay,
Sa Kabuuan, meron nang paglalagyan ang lahat ng mga “suspected” (PUM), probable (PUI) at mga confirmed pero “mild” cases ng COVID-19.
Sa mga kritikal na kaso, merong tayong higit 5,000 available beds at ang natitira na lamang ay 735 “ward”, 2,220 “isolation” at 435 ICU beds sa mga Metro Manila hospitals. Sana paramihin pa ito sa mga susunod na araw tulad ng rekomendasyon ng bumisitang Chinese doctors na magtayo tayo ng malaking “COVID ONLY HOSPITAL” parang FANGSHANG sa Wuhan city.
Kapag handa nang lahat, isang malawakang kampanya sa “grassroots level” o sa bawat baranggay sa Metro Manila ang ipatupad upang maipon ang lahat ng mga COVID carriers, mga close contacts at iba pang nahawaan. Kilalanin at i-isolate ang mga “outbreak areas” upang matigil kundi man makontrol na ang mga “infections”. I-lockdown ng mahigpitan kung kinakailangan upang puksain ang COVID-19 sa lugar na iyon.
Totoong mahirap ang mga susunod na araw natin. “New normal, ika nga. Pero, hanggat hindi tayo nagkakaisang puksain ang COVID-19. Hanggat marami pa rin ang pasaway, hindi natin matatalo ang demonyong virus na ito!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.