Mayor Sara Duterte, pinagbawalan si Pangulong Duterte na pumasok sa Davao City
Ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte na mismong ang kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte ang nagbawal sa kanya na pumasok sa siyudad bilang pag-iingat na rin sa COVID-19.
Ayon sa pangulo, dahil sa sariling lockdown na ipinatupad ng kanyang anak, ipinatigil ang biyahe ng mga eroplano mula sa Maynila.
Ito aniya ang dahilan kung kaya hindi siya nakadalo sa birthday ng kanyang partner na si Honeylet Avanceña, anak na si Kitty at ng kanyang apo.
“Ngayon alam ko na sabik na sabik na kayo. Para kayong taga-Bilibid lahat tayo pati ako. Hindi na nga ako makauwi sa Davao birthday ng apo ko, birthday ng — ‘yung partner ko, birthday ng anak ko, hindi ako makauwi. Bakit? Hindi ako pinapayagan ng mayor doon na makapunta. Walang eroplano na may pasahero maka-landing sa Davao City. Ipinagbabawal ng mayor doon,” pahayag ng Pangulo.
Ayon sa Pangulo, wala naman siyang magagawa kundi ang sumunod sa patakaran ng kanyang anak sa Davao City.
“Eh kung sang-ayon ba ‘yan sa instruction ko o ‘yung rights of the people to travel, eh malaking debate na ‘yan eh. At saka ayaw kong makipag — you know, quarrel with anybody especially the mayor of Davao City na anak ko eh lum — hindi naman magpatalo ‘yan. Magsisigawan lang kami mag — magmukhang g*** kami sa publiko,” pahayag ni Pangulong Duterte.
Aminado ang Pangulo na naiinip na siya at mapapamura na lamang dahil na lockdown sa Maynila.
“Wala hong may gusto. Ako mismo naiinip na. Nag — nagmumura na ako. Every time I wake up kakain ako breakfast, nagdadaldal na ako sa — ito, ito ‘yung ano bang klaseng buhay ang inabot natin dito sa mundong ito ngayon,” pahayag ng Pangulo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.