Ikinokonsidera ng Palasyo ng Malakanyang na ipatupad ang total lockdown kapag marami pa rin ang maging pasaway at hindi sumunod sa enhanced community quarantine na umiiral sa Luzon.
Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, hindi fake news na ikinokonsidera ni Pangulong Rodrigo Duterte ang total lockdown.
“Fake news po yung kumakalat na balita na magkakaroon ng total lockdown. Pero hindi po fake news na kinokonsidera ang total lockdown lalung-lalo na kung magpapatuloy ang mga pasaway sa ating kalsada,” pahayag ni Roque.
Apela ng Palasyo, huwag nang maging pasaway at sumunod na lamang sa ECQ.
“So ‘wag na po nating pahabain itong ECQ. Tumupad na po tayo sa ating obligasyon at kaunting panahon na lang po naman ang natitira dito sa ating ECQ,” pahayag ni Roque.
Ilang tulog na rin lang naman aniya at matatapos na ang ECQ.
“Isang linggo, konting tulog na lang po ito, pagtiyagaan na natin. Pero ‘pag hindi natin na-flatten ang curve, hindi natin nabawasan ang kaso ng COVID-19, siyempre po isa ‘yan sa option na ikokonsidera,” pahayag ni Roque.
Idineklara ni Pangulong Duterte ang ECQ noong Marso 14 at matatapos sa Abril 30.
“Pero inuulit ko po, wala pang desisyon na mag-total lockdown, ‘yan po ang fake news. Pero ang totoong balita po, ikokonsidera ‘yan pag hindi pa bumaba ang kaso ng COVID-19 sa ating bayan,” pahayag ni Roque.