WATCH: Palasyo sa mga misis: Magpatupad ng ECQ sa loob ng bahay
Umapela ang Palasyo ng Malakanyang sa mga misis na ipatupad ang enhanced community quarantine sa loob ng kanilang tahanan.
Ito ay para tuluyang mapabagal ang paglaganap ng Coronavirus Disease (COVID-19) sa bansa.
Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, sa ganitong paraan, hindi makaalis ng bahay ang kanilang mga mister at hindi makabibisita sa kanilang mga kulasisi.
“So pakiusap po galing sa inyong Presidente, maging homeliners po tayong lahat. mga nanay pakiusap po kayo na ang magenforce nitong eCQ sa inyong mga tahanan. mabuti po yan kapag inyong inenforce ang ECQ hindi makakapunta si mister sa kanyang kulasisi. so para niyo ng awa po stay in your homes,” pahayag ni Roque.
Aminado si Roque na dahil sa marami ang pasaway, mahihirapan ang pamahalaan na malabanan ang COVID-19.
Nakahihiya, ayon sa kalihim, na marami sa mga Filipino ang pasaway at hindi sumusunod sa simpleng hiling na manatili muna sa bahay at iwasang gumala para hindi na kumalat ang Coronavirus.
Sa ngayon, nangunguna na at natalo na ng Pilipinas ang Malaysia sa may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa Southeast Asian countries.
Sa talaan ng Johns Hopkins University (JHU) Coronavirus dashboard, nasa number one spot ang Pilipinas, pangalawa ang Malaysia at sinusundan ng Indonesia at Singapore.
“Hindi po natin made-deny yung datos na yan pero ang ginagawa po natin unang una nananawagan, nakikiusap sa lahat ng mga Filipino: Ang dami pong pasaway sa atin. At dahil po diyan number one na naman po tayo sa asean sa dami ng COVID-19. Nakakahiya po yan! Itigil niyo na po ang pagiging pasaway, manatili po tayo sa ating tahanan,” pahayag ni Roque.
Kung ikukumpara aniya ang ECQ sa mga kapitbahay na bansa, hindi maikakaila na ang Pilipinas ang nagpapakita ng kawalan ng disiplina sa sarili kumpara sa Singapore at Malaysia.
Marami pa rin kasi aniya ang lumalabas ng tahanan.
Inihalimbawa ni Roque ang pagdagsa ng mga mamimili sa Balintawak Market sa Quezon City at Blumentritt Market sa Manila City pati na ang pagdagsa ng mga motorista sa kahabaannng EDSA at South Luzon Expreessway.
“Mahiya naman po tayo. Hindi ko na po ide-deny yan dahil dapat tayong mga Filipino mahiya dahil nagpapakita tayo ng kawalang disiplina e samantalang ginagawa naman po natin to dahil iniiwasan nating magkasakit ang ating mga kababayan,” ani Roque.
Narito ang ulat ni Chona Yu:
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.