Pagkanta ng “Happy Birthday To You”, libre na

By Jay Dones February 11, 2016 - 04:10 AM

 

Birthday-Cake-2Natapos na sa pamamagitan ng isang ‘settlement’ o kasunduan ang kasong isinampa ng isang filmmaking company laban sa publishing house na naniningil ng bayad sa tuwing may kakanta o gagamit ng sikat na awiting “Happy Birthday To You”.

Ito’y makaraang pumayag ang US publisher na Warner-Chappel Music na magbayad ng 14 milyong dolyar sa kumpanyang gumawa ng pelikulang nagpapakita ng kasaysayan ng kantang “Happy Birthday To You”.

Una rito, naghain ng ‘class suit’ ang naturang filmmaking company laban Warner Chappel Music nang singilin sila nito ng $1,500 dahil ginamit nito ang naturang kanta sa kanilang pelikula.

Giit ng Warner Chappel, sila ang nakabili ng copyright o karapatan sa awiting inilathala ni Jessica Hill noong 1935 kaya’t may karapatan silang maningil ng ‘royalties’ sa tuwing may gagamit o kakanta nito.

Gayunman, giit ng mga naghain ng kaso, ilang dekada nang inaawit ang naturang kanta bago pa man ito nabili ng Warner-Chappel Music.

Sa naturang kasunduan , bukod sa pagbabayad ng $14 million, pumayag na rin ang Warner Chappel na ideklarang nasa loob ng ‘public domain’ ang kantang “Happy Birthday To You”.

Ang naturang kanta ang itinuturing na pinakasikat na awitin sa buong mundo.

Una itong inawit at isinulat sa papel sa isang classroom noong 1893 ni Patty Hill na isang kindergarten instructor at kapatid ni Jessica Hill sa Kentucky at may orihinal itong titulo na “Good Morning To You”.

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.