Fiscal stimulus plan para maibsan ang ang epekto ng COVID-19, tinalakay na ng Kamara
Nagsimula na ang House COVID-19 Committee sa pagtalakay sa fiscal stimulus plan upang maibsan ang epekto sa ekonomiya ng bansa ng Coronavirus Disease 2019.
Sa pamamagitan ng video conference, nagsagawa ng pulong ang komite kung saan tinalakay ang mga rekomendasyon ng House Economic Stimulus Response Package Cluster para maiwasan ang inaasahang P1.08 trillion na pagkalugi ng bansa dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Marikina Rep. Stella Quimbo, dapat matiyak ang patuloy na operasyon ng mga negosyo, partikular na ang mga napapabilang sa micro, small and medium enterprises (MSMEs).
P370 billion anoya ang kailangan para sa Fiscal Stimulus package na hahatiin sa mga sumusunod: wage subsidies sa mga non-essential sector o iyong mga tumigil sa trabaho dahil sa quarantine; interest-free loans at loan guarantees para sa mga malalaki at maliliit na kumpanya; grants para masuportahan ang business resilience; at compensation para sa paid-sick leaves ng mga COVID-19 patient.
Sa ganitong paraan ay maisasalba hindi lamang aniya ang MSMEs pero maging ang mga empleyado dito na tinatayang aabot sa 29 million.
Sa naturang bilang, 6.5 million ang private workers sa tourism sector, habang 495,679 workers naman ang nasa trade industry – dalawang sektor na pinaka-apektado aniya ng COVID-19 situation.
Para naman kay House Economic Affairs Committee chairman Sharon Garin, nasa 1 million MSMEs, o 99 percent ng kabuuang bilang ng business establishments sa bansa, ang nangangailangan ng tulong mula sa pamahalaan.
Iginiit ni Garin na hindi dapat mawalan naman ng trabaho pagkatapos ng quarantine ang milyun-milyong empleyado sa mga MSMEs kaya mahalaga aniyang maipasa ang Fiscal Stimulus Package na kanilang isinusulong.
Kaugnay nito, isinusulong ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda ang pagkakaroon ng structural adjustment plans, kabilang na ang Negative Interest Loan (NIL) plan.
Ang NIL ay P350 billion loan package na ipapautang sa kompanya kapalit ang pagpapanatili sa kanilang mga empleyado kung saan maaring umutang ng 50 percent ng kanilang direct labor costs ang kumpanya na babayaran sa loob ng tatlo hanggang limang taon sa pamamagitan ng “negative” interest rates.
Bukod dito, iminumungkahi rin aniya nila ang Credit Refinancing and Mediation Services para matiyak na magagampanan ng MSMEs ang kanilang obligasyon sa ilalim ng paborableng terms of credits sa mga bangko, lending institutions, at financial intermediaries.
Pinagtatatag din ang gobyerno ng National Emergency Investment Corporation na kahalintulad aniya ng Power Sector and Liabilities Management Corporation (PSALM), na pangangasawian ng Department of Finance.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.