Ayon kay Cabinet secretary Karlo Alexi Nograles, tagapagsalita ng Inter-Agency Task Force on Infectious Diseases, pinagsusumikapan na ng pamahalaan na maiabot ang tulong sa lalong madaling panahon.
“Sa ating mga kababayan ng naghihintay po para sa mga subsidies na ito, humihingi po kami ng paumanhin at pasensiya ngunit makakaasa po kayo na ginagawa po natin ang lahat ng ating makakaya upang mapaabot sa inyo ang tulong na ito sa lalong madaling panahon. Tandaan po natin, ito po ang pinakamalaking tulong pinansyal sa kasaysayan ng ating bansa; maliban sa pinag-iingatan po natin ang pamamahagi, sinisiguro din po natin na makakarating ito sa inyo na walang bawas at aberya,” pahayag ni Nograles.
Pinamamadali na rin ng IATF ang mga lokal na opisyal ng pamahalaan na magsumite na ng mga budget proposal sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“Panawagan ko po sa ating mga LGU, paki-submit na po ang inyong signed MOA at iyong budget proposal sa DSWD para sa lalong madaling panahon ay maibigay na po sa inyong mga LGU ang Social Amelioration Program budget para maipamahagi na po natin sa inyong mga constituents,” pahayag ni Nograles.
Sa ngayon, nakapag-release na ang DSWD ng mahigit P323 million para sa 14,400 beneficiaries na bahagi sa mga tsuper at transport groups sa National Capital Region.
Nakapag-release na rin aniya ang pamahalaan ng P43 billion sa mga LGU habang sa Bangsamoro Region ay nakapag-release na rin ng P800 million.
Kung susumahin, ayon kay Nograles, nasa 50 percent na ng P100 billion na halaga ng Social Amelioration Program ang nailabas na sa buwan ng Abril.
May mga kinakaharap na balakid aniya ang DSWD sa pamamahagi ng pinansyal na ayuda.
“Among which of course are security, the reconciliation of list of beneficiaries and the logistical challenges, especially with regards to remote communities in the provinces. Tuluy-tuloy po silang nakikipag-ugnayan sa ating mga LGUs para po matugunan ang lahat ng ito,” dagdag ni Nograles.
Sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act, P200 bilyon ang inilaan na pondo ni Pangulang Rodrigo Duterte para ipang-ayuda sa mga mahihirap na pamilya na naapektuhan ng COVID-19.
Narito ang buong ulat ni Chona Yu: