“Mga bida at bandido sa krisis ng COVID-19” sa WAG KANG PIKON! ni Jake Maderazo

By Jake J. Maderazo April 12, 2020 - 07:00 PM

Sa panahon ng ECQ sa Luzon at Metro Manila, may mga taong maganda ang ginagawa sa kapwa. Meron ding iba na kagaguhan ang pumapasok sa kukote kahit krisis.

Unang-una, dapat nating pasalamatan ang labimpitong (17) doktor na pumanaw dahil sa COVID-19, batay sa report ng Philippine Medical Association (PMA). Ayon sa DOH, merong 152 na mga doctor at 63 nurses ang nagpositibo sa virus. At dito, 12 health workers na ang namatay.

Ikalawa, dapat purihin ang Department of Health sa pangunguna ni Sec. Fransisco Duque III sampu ng mga kawani sa opisina, mga doctor, nurses at health workers sa ospital at baranggay sa malalayong lugar. Kahit nabigla tayo sa biglang pagkalat ng COVID-19, ang mabilis nilang aksyon ay nagbibigay pag-asa na kakayanin natin ang krisis na ito.

Ikatlo, si Pres. Rodrigo Duterte na nagpatupad ng ECQ sa buong Luzon at NCR kahit marami ang magagalit, mapeperwisyo at mawawalan ng hanapbuhay.

Ang maagang imposisyon ng “lockdown” ay pumigil para hindi tayo natulad sa Italy, Iran, Spain at Amerika. Ang direktiba niya sa PNP, AFP at LGU na panatilihin ang “law and order“ laban sa COVID-19 ay napapanahon.

Ikaapat, bumuhos ang tulong ng private sector sa mga ospital, frontliners at na-lockdown na mamamayan. Tatlumput anim na kumpanya sa “Project Ugnayan” ay nag-donasyon ng P1.62-B at sinundan ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na nagbigay ng P1-B sa Office of the President, na kalahati ay cash at kalahati ay mga “grocery items”. Ang San Miguel Corporation ay may kabuuang P800M donasyon ng bigas, tinapay, alcohol at iba pa, bukod pa sa personal na P100-M donasyon ni SMC President Ramon Ang. Ang Jollibee foods nagbigay ng P250-M halaga ng food packs samantalang ang Metrobank group at nagbigay ng P200M. Ang kontrobersyal na POGO companies at ang COCA COLA at nagbigay ng tig-P150-M. Ang Lopez group, Gokongwei group, Aboitiz group at Zuellig Famiy foundation ay nagdonasyon ng tig-P100M. Hindi rin nagpahuli ang LBC Express, Okada Manila, city of Dreams at Resorts World na nagbigay ng tig-50M.

Kahit mga artista ay tumulong din, P1M mula kay TV HOST Willy Revillame, P1.8M nalikom sa Facebook live concert ni Lea Salonga, bukod kina Angel Locsin, Anne Curtis at si Bela Padilla.

Ikalima, dapat hangaan sina Senador Sonny Angara, Miguel Zubiri, pati ang kontrobersyal na sina Koko Pimentel, Deped Sec. Leonor Briones, DILG Sec. Eduardo Ano. Isama ko na rin sina Journalist Howie Severino, Actress Iza Calzado, Actor Christopher De leon na umamin, hinarap at nagtagumpay laban sa COVID-19. Sila ang mga halimbawa ng mapanganib na karamdamang ito pero hindi ito ang katapusan ng mundo o ng ating buhay.

Kung merong dapat hangaan, meron ding dapat kabwisitan. Nangunguna riyan ang DSWD na 54.86% lang pala ng mga apektadong pamilya sa Metro manila ang mabibigyan ng Social Amelioration package. Sumunod diyan ang ilang sutil sa LGUs na kinakangkong ang relief goods sa kanilang baranggay.

Ikatlo, ang mga kababayan nating nagpasabong pa sa North Cemetery at ang iba’y siksikang namalengke pa Balintawak Market. At pangwakas, ay ang taong nandidiri sa mga health workers natin at sa mga pamilyang tinamaan ng COVID-19. Simpleng kabobohan na dapat talagang hulihin ng mga otoridad nang maparusahan.

TAGS: column, COVID-19, enhanced community quarantine, Inquirer column, Radyo Inquirer column, column, COVID-19, enhanced community quarantine, Inquirer column, Radyo Inquirer column

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.