Pangulong Duterte takot na magkaroon ng relapse ng kaso ng COVID-19 sa bansa
Nagpaliwanag ang Malakanyang sa desisyon ni pangulong rodrigo duterte na palawigin pa ng hanggang April 30 ang enhanced community quarantine sa Luzon.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, ayaw kasi ng pangulo na masayang ang sakripisyo ng mga Filipino nang ipatupad ang isang buwang lockdown.
“Kaya minabuti niya po na i-extend o palawigin natin, sapagkat kung i-lift natin o tigilan po natin ang lockdown, mayroon pong malaking probabilidad na masisira natin iyong gains na nakuha natin. Kaya gaya nga ng sinabi ko sa inyo, nakikita natin dati 400 iyong mga nai-infect, bumababa naman siya habang tumatagal,” ayon kay Panelo
Kinatatakutan din aniya ng pangulo na matulad ang Pilipinas sa Singapore na matapos ang lifting sa lockdown, muling sumipa ang kaso ng COVID-19.
Pinagsusumikapan aniya ng pangulo na tuluyan nang matapos ang problema sa COVID-19.
Patuloy din aniya ang pagsusumamo ng pangulo sa publiko na kung maari ay manatili muna sa bahay.
March 14 hanggang April 12 ang orihinal na ECQ sa Luzon subalit pinalawig pa ito ng pangulo hanggang April 30.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.