Ayon sa DILG, layon niyong mapaigting pa ang mga hakbang ng mga LGU para labanan ang COVID-19.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, ang one-time grant sa mga lungsod at munisipalidad ay katumbas ng isang buwan ng kanilang Internal Revenue Allotment na maaaring magamit sa COVID-19 response at relief operations.
Nauunawaan aniya ng gobyerno na malaking hamon ang pinagdaraanan ng LGUs sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga residente sa kanilang nasasakupan.
“Sa pamamagitan ng Bayanihan Grant to Cities and Municipalities, magkakaroon na ng karagdagang kapasidad ang ating mga LGUs na bumili ng mga kagamitan at tulungan ang mga taong lubos na apektado ng krisis na ito,” ani Año.
Nagpasalamat naman ang kalihim kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa mabilis na pag-apruba ng hiling ng LGUs.
Ayon pa kay Año, gagamitin ang pondo para sa mga kinakailangang proyekto at aktibidad sa gitna ng krisis ng COVID-19.
Kabilang dito ang pamimigay ng relief goods, procurement ng personal protective equipment para sa frontline service providers, gamot at vitamis, mga kagamitan sa ospital, disinfectant, mga tent para magsilbing temporary shelter ng mga walang tirahan at iba pa.
Kasunod nito, hinikayat ng kalihim ang mga LGU na tiyaking magagamit nang maayos ang pondo para makapaghatid nang maayos na serbisyo.
“Naniniwala ako na mas alam at ramdam ninyo ang pangangailangan sa inyong sinasakupan kaya siguruhin po sana natin na gagamitin natin ng maayos ang pondong ito para sa kapakanan ng ating mga kababayan,” dagdag ni Año.
Giit pa nito, sa panahon ng Semana Santa, alisin muna ang pulitika at sa halip ay magkaisa para sa pagsugpo ng nakakahawang sakit.
“Ngayong panahon ng Kuwaresma, ang kailangan po natin ay magtulungan at magkaisa para sama-sama tayong makabangon sa krisis na ito. Hindi po ito panahon ng pagbibida at politika kundi panahon ng paglilingkod at pagkakaisa,” aniya pa.
Hinikayat din nito ang publiko na tumulong sa paglaban sa sakit sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ipinatutupad na panuntunan kasabay ng umiiral na enhanced community quarantine.