Ayon kay Cabinet Secretary at IATF spokesperson Karlo Nograles, nakasaad sa rekomendasyon nila ang pagpapalawig ng ECQ hanggang sa April 30, 2020, alas 11:59 ng gabi.
Ito ay aniya ay agad inaprubahan ng pangulo matapos pag-aralan.
“‘Yung ECQ is up to April 30,11:59 pm.Ito ang rekomendasyon ng IATF na tinanggap ni Pang. Duterte at inannounce na niya kagabi. Matapos ang kanyang announcement vinerify namin, ang ECQ is hereby extended until 11:59pm of April 30,” ayon kay Nograles.
Sa gagawing extension iiral pa rin ang mga kasalukuyang guidelines ng IATF kabilang na ang pabibigay ng exemptions sa mga medical frontliners at iba pa.
Pero ayon kay Nograles na kay Pangulong Duterte pa rin ang pagpapasya sa gagawing pagpapalawig sa ECQ.
May diskresyon aniya ang pangulo na i-relax ang ilang guidelines sa pagpapatupad ng ECQ sa ilang lugar, o magdagdag ng exemptions sa iba pang sektor.
Wala namang nakikitang rason ngayon ang IATF na magpatupad ng ECQ sa Visayas at Mindanao.
“No need for enhanced community quarantine in Visayas and Mindanao,” pahayag ni Nograles.