COMELEC, hindi dapat manakot ng pagka-antala ng halalan – Drilon
Pinagsabihan ni Senate Pres. Franklin Drilon ang Commission on Elections (COMELEC) dahil sa sinasabi nilang posibilidad ng pagkaka-antala ng eleksyon sa ilang lugar.
Sa isang pahayag, sinabi ni Drilon na iwasan dapat ng COMELEC ang anumang hakbang na magbibigay ng dahilan sa mga tao para kwestyunin ang kredibilidad at intgridad ng proseso ng halalan.
Ito ang naging reaksyon ni Drilon sa mga ulat na nagsasabing maaring magkaroon ng delay sa pagpapadala ng mga makina sa ibang lugar dahil nagkaproblema sa pag-iimprenta ng mga balota.
At dahil dito, posibleng hindi maisagawa ang eleksyon sa ilang lugar sa naitakdang araw na May 9.
Giit ni Drilon, sabay-sabay dapat gagawin ang eleksyon sa buong bansa, at isang paglabas sa Saligang Batas ang hindi pagsasakatuparan nito.
Ipinunto pa niya na maari lamang maurong ang eleksyon kung ang dahilan ay karahasan, terorismo, kawalan o pagkasira ng mga election paraphernalia o anumang hindi inaasahang pangyayari na magdudulot nito.
Mayroon pa aniyang sapat na oras para sa pag-iimprenta ng mga balota, at dapat unahin muna ng COMELEC na humanap ng ibang solusyon bago nila isipin ang pag-uurong ng petsa ng halalan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.