“Ang gobyernong lokal ang humaharap mismo sa araw-araw na problema ng kanilang mga nasasakupan. Sila ang unang nilalapitan ng mga tao. Tulungan natin silang mabigyan ng dagdag na kapasidad para rumesponde sa pangangailangan ng kanilang komunidad lalo na po sa malalayong lugar na kailangan ng tulong at hindi agad nabibigyan ng pansin ng national government,” paliwanag ni Go.
Binigyan-diin nitong mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga local government units (LGUs) para protektahan ang kapakanan ng komunidad.
Inihalimbawa pa nito ang kanyang karanasan sa pagtatrabaho nito sa Davao City bilang aide noong alkalde pa lamang doon si Pangulong Rodrigo Duterte.
“Dati po akong nagtrabaho sa city hall ng Davao City kaya alam ko kung gaano po kahirap ang kanilang trabaho lalo na sa panahon ng krisis. Mahalaga ang ginagampanan nilang trabaho para masiguro ang kooperasyon ng mga Pilipino sa panahong ito. Kaya naman dapat lamang nating tulungan ang mga local government units na maalagaan ang mga komunidad nila. Malaking tulong kung mabigyan sila ng dagdag na pondo para mapunan ang lumalaking pangangailangan ng mga tao ngayon,” paliwanag ni Go.
Inirekomenda rin ng senador ang one-time grant mula sa national government na katumbas ng isang buwan na internal revenue allotments (IRA) para mapaganda ang capabilities ng mga LGUs sa pagresponde sa krisis.
“Sa laki ng problemang kinakaharap natin, baka kukulangin ang kasalukuyang pondo ng ating mga LGU. Hindi naman po lahat ng LGUs ay pantay-pantay pagdating sa pondo,” wika ni Go.
Paliwanag ni Go, ang one-time Bayanihan financial assistance para sa mga cities at municipalities ay puwedeng kunin sa available funds o savings ng national government.
Dagdag ni Go kapag napagbigyan ang kanyang proposal, pondo ay dapat mapunta sa mga projects, programs at activities na may kaugnayan sa COVID-19 situation.
Kabilang na dito ang pagbili sa mga personal protective equipment (PPEs) sa mga frontline service providers; medicines at vitamins; hospital equipment at supplies; disinfectants at related equipment; relief goods para sa mga low-income at vulnerable households at tents para sa temporary shelter ng mga homeless.
Paliwanag pa ni Go na mahigpit ang bilin ng mga LGUs sa kanilang mga constituents na manatili lamang sa kanilang bahay kaya naman kailangan nilang mamahagi ng relief goods at imintina ang peace and order habang naghihintay ng karagdagang tulong mula sa mula sa mga government agencies.
“Magagamit ito para hindi magutom at magkagulo ang mga tao. Kung walang nagugutom, mas magiging cooperative ang mga Pilipino sa gobyerno. Malaking tulong po ito upang masiguro ang kapayapaan at kaaayusan,” ani Go.
Sinabi rin ni Go na dapat responsibilidad ng mga LGUs na tugunan ang pangangailangan ng kanilang mga constituents habang gumagawa ng paraan ang national government para tugunan ang krisis.
“Now, more than ever, we, as elected officials, must do everything we can to be of service to the people,” wika ni Go.
Pinaalalahanan din ni Go ang mga LGUs na siguruhing makakarating ang assistance sa mga nangangailangan partikular ang poorest of the poor, vulnerable sectors at displaced workers.
Wala raw sanang politics na factor sa pagbibigay ng assistance.
“Pakiusap ko lang, huwag na pong haluan ng pulitika ang pagtulong. Hindi po iyan nakakatulong sa sitwasyon natin ngayon. Huwag na natin pahirapan pa ang mga tao, tumulong nalang tayo na pabilisin ang pagbigay ng tulong sa kanila,” dagdag ni Go.
Bilang chairman ng Senate Committee on Health at bilang miyembro ng Joint Oversight Committee na nagbabantay sa implementasyon ng Bayanihan to Heal as One Act binigyang diin ni Go na sa pamamagitan ng batas ay binigyan na ang gobyerno ng authority at flexibility para agad umaksiyon para matugunan ang kasalukuyang krisis.
Pinaalalahanan din niya ang mga government officials na siguruhing magamit ng maayos ang mga available funds sa pagbibigay ng agarang tulong sa mga Pinoy na nangangailangan ng government attention.
“Mahirap maging mahirap lalo na sa panahon ngayon na walang trabaho dahil sa enhanced community quarantine, kaya dapat nating bilisan ang ating aksyon para maibigay na sa taumbayan, lalo na sa mahihirap, ang kaukulang tulong para sa kanila,” wika pa ni Go.