Hindi bababa sa apat na mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF ang namatay at nasa pito pa ang nasugatan sa pakikipagbakbakan ng mga ito sa mga sundalo sa Maguindanao.
Nagsimula ang bakbakan sa pagitan ng mga rebelde at 1st Mechanized Brigade ng Army sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan at umabot pa ang engkwentro hanggang sa Datu Salibo sa naturang lalawigan.
Ayon kay Col. Felicisimo Budiongan, commander ng 1st MB na kabilang sa mga namatay ay nakilalang si Mamandra Guino na kilala rin sa alyas nitong Abu Sufian.
Kinumpirma rin ni Abu Misry Mama, tagapagsalita ng BIFF na nasawi sa encounter si Abu Sufian ngunit itinanggi nitong may iba pang nasawi sa bakbakan bukod dito.
Nagsimula ang bakbakan nang simulang pasukin ng mga Armored Personnel Carrier ng militar ang lugar kung saan sinunog ng mga BIFF ang dalawang dredging equipment sa naturang bayan.
Sinalubong ang mga ito ng mga sniper fire mula sa panig ng rebelde kaya’t napilitang gumanti ang puwersa ng gobyerno.