Inaasahang milyun-milyong mga Katoliko ang tutungo sa mga simbahan ngayong araw ng Miyerkules, Ash Wednesday, na hudyat ng pagsisimula ng 40-day Lenten season.
Tuwing Ash Wednesday, nagpapalagay ng abo sa noo ang mga Katoliko na sumisimbolo na ang tao ay nagmula sa alabok, at magbabalik din sa alabok. Hinihikayat ng SImbahan ang lahat ng mga Katoliko na gumawa ng mabuti sa kanilang kapwa, magtika at magdasal at tumulong.
Sa panig naman ni Manila Archbishop Antonio Cardinal Tagle, hiniling nito na suportahan ng mga Katoliko ang feeding program ng mga malnourished na kabataan o ang fast2feed campaign.
Habang nagtitika o nagpa-fast aniya, pagkakataon na ng mga ito na ibahagi sa mga nagugutom na kabataan ang bahagi ng kanilang natipid sa pagkain upang makatulong sa iba.
Ngayong araw, na nagkatong ikalawang araw ng opisyal na campaign period ng mga kandiato sa national elective position, hinihikayat din ng Simbahang Katoliko ang mga pulitiko na iwasang gumamit ng maruruming taktika para lamang manalo.
Giit ni Cathloc Bishops Conference of the Philippines president at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, manalo man sa masamang paraan ang isang kandidato, talo naman ito kalaunan dahil hindi naman maliligtas ang kaluluwa nito sa araw ng paghuhukom.