Duterte-Cayetano tandem, nagpakitang gilas sa mga taga-Tondo

By Erwin Aquilon, Kathleen Betina Aenlle February 10, 2016 - 01:34 AM


“I will be a president for all.”

Sa proclamation rally ng tambalang Mayor Rodrigo Duterte at Sen. Alan Peter Cayetano sa Tondo, Maynila, muli nilang inilatag sa mga tao ang kanilang mga plano oras na sila ang maluklok sa dalawang pinakamataas na posisyon sa bansa.

Kaakibat ng kaniyang pangakong itigil ang krimen, nangako rin si Duterte na oras na siya’y mahalal na pangulo ng bansa, dodoblehin niya ang sahod ng mga pulis at militar.

Sa kanilang proclamation rally Sen. Alan Peter Cayetano, inihayag ito ni Duterte bilang kaniyang sariling diskarte para mailayo ang mga pulis at militar sa paggawa ng anumang iligal na gawain, tulad na lamang ng pagkakasangkot sa iligal na droga.

Paulit-ulit na sinasabi ni Duterte sa lahat ng kaniyang mga pinupuntahan na galit siya sa droga, kriminalidad at kurapsyon, kaya naman ang mga ito ang ipinangako niyang susupilin kapag siya ang nanalo.

Isusulong rin niya aniya ang kapayapaan sa Mindanao, solusyon sa trapik, at ang pag-aalis ng buwis sa mga sumusweldo ng P25,000 o P20,000 pababa.

Aminado naman si Duterte na maganda ang layunin ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ni Pangulong Aquino kaya aniya, ipagpapatuloy niya ito at dadagdagan pa.

Samantala, binanatan naman ni Cayetano ang mga pangungurakot ng mga pulitiko at sinabing bakit ang mga nagnanakaw ng kaunting halaga lang ay nakukulong, habang ang nagnanakaw ng malaki ay nagiging pulitiko.

“Kapag nagnakaw ng konti makukulong? Kapag malaki nagiging mayor, congressman at senador, at kapag sanggang dikit ni Janet Napoles nagiging presidente?”  ani Cayetano.

Isusulong naman ni Cayetano ang pagtangkilik sa mga gawang Pilipino para magkaroon rin ng mas maraming trabaho dito ang mga mamamayan.

Ipinagmalaki niya pa na ang kaniyang suot na sapatos ay gawang Marikina at hinimok niya ang iba na tangkilikin din ito.

Paliwanag naman ni Cayetano, ang gagawin nila sa 4Ps ay tulad sa Thailand na may mga bangko para sa mahihirap.

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.